Nagpapasalamat at tinatanaw ni Mark Herras na utang niya sa dating manager na si Lolit Solis ang narating niya ngayon sa showbiz. Pero itinanggi ng aktor na humiram siya ng P30,000 sa tinatawag na Nanay Lolit para sa panggatas ng anak niyang si Baby Corky.

"Hindi, hindi," sagot ni Mark sa tanong sa kaniya ni "Tunay Na Buhay" host Pia Arcangel kung totoo bang lumapit siya kay Lolit tungkol sa pero.

"Nagpatulong ako sa kaniya sa karakter ko. Sabi ko, 'Nay, tawagan mo naman si Ms. Lilybeth (Rasonable), sabihin mo bigyan ako ng character roles,'" kuwento ni Mark.

ADVERTISEMENT

Inamin naman ni Mark na nanghihiram siya ng pera noon sa dati niyang manager.

"Siguro 'yung mga dating dati pa 'yon, 'pag nanghihiram ako sa kaniya before, baka binring up niya pa ngayon. Which is, para lang umingay. Umingay nga,"  natatawang sabi ng unang StarStruck Ultimate Male Survivor.

"Pero nasa point ako ng career ko na ayoko na ng maingay eh. Gusto ko lang ng stable lang," paliwanag pa ni Mark, na sinabi ring breastfed ang anak nila ni Nicole Donesa.

Pero para kay Mark, mananatili pa rin niyang nanay si Lolit Solis.

"Si Nanay (Lolit), naku siyempre maraming, maraming salamat Nanay for everything. Lahat naman ng narating ko sa industriyang ito ay dahil sa kaniya, dahil sa tulong niya, bukod sa tulong ng GMA. Naging malaking part din ng career ko 'yan si Nanay, ng buhay ko sa showbiz," anang Kapuso actor.

"So maraming, maraming salamat Nanay for taking care of me. Lalo na 'yung time na nawala isa-isa 'yung magulang ko, andu'n si Nanay talaga para suportahan ako," dagdag pa ni Mark.

--FRJ, GMA News