Matapos mag-viral sa social media ang isang palaboy dahil sa pagbirit niya sa kantang "Just Once," nabigyan siya ng "one more chance" sa buhay matapos tulungan ng vlogger. Pati ang kapatid niyang palaboy din, binigyan din ng makeover.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras," sinabing binigyan ng vlogger na si Rey Moncada Bayagusa ng Boss Rey Vlogs, ng instant makeover si Vivencio Empalmado Jr. o Jun matapos niyang mapanood ang viral video ng palaboy.

Nag-glow up at tila hindi na mamumukhaan si Jun matapos siyang damitan, pagupitan at ayusan sa barberya.

Ayon kay Rey, namukhaan niya si Jun dahil nakikita niya itong dumadaan sa kaniyang tindahan sa Catarman.

"Sabi ko sa tao ko, 'Nakita mo ba ito noong araw ng pagpasok mo?' Sabi niya 'Parang nakita ko 'yan kuya.' Sabi ko 'Halika samahan mo nga ako.' Sobrang galing ng talent nito, baka may pinagdadaanan lang," sabi ni Rey.

ADVERTISEMENT

Bukod dito, pinakain, ipinasyal at ibinili pa ni Rey ng grocery items si Jun.

Napag-alaman naman ni Rey na dating miyembro si Jun ng choir sa kanilang simbahan nang bumisita sila sa mga kaanak nito.

Dumanas din ng depresyon si Jun matapos masaksihan ang pagkamatay ng mga magulang at kapatid.

"Hindi rin po siya nakapag-asawa dahil nga rin po roon sa siya 'yung umalalay talaga sa mga magulang niya. Pagkakaalam ko, 25 years old pa lang siya, na-depressed na po," ani Rey.

Kasalukuyan nanunuluyan si Jun kina Fernan, ang uploader ng video ni Jun na nag-viral.

Kinupkop na rin nina Fernan ang kapatid ni Jun, na isa ring palaboy sa kalsada.

Ayon kay Rey, sinagot ng kaniyang kapatid ang pa-check up at pareseta ng doktor nina Jun at kapatid nito. Bibigyan din nila ito ng pangkabuhayan kapag magaling na sila.

Ikinuwento ni Rey na galing sa hirap ang kanilang pamilya kaya alam nila ang pakiramdam ng maging kapos sa buhay.

"Huwag nating bibilangin kung ano lang ang natulong natin. Si God na po ang bahala diyan kung ibibigay sa atin kung ano ang pangangailangan natin. Huwag magsawang tumulong hangga't mayroon. Sabi nila, may ipon ka, mas maganda na tumulong kaysa ibili mo ng mga mamahaling bagay," anang vlogger.

Matatandaang nag-viral si Jun dahil sa kaniyang angking talento sa pagkanta sa Catarman, Northern Samar.

—Jamil Santos/FRJ, GMA News