Todo-kilig si Kiray Celis matapos ipa-tattoo sa dibdib ng kaniyang nobyo na si Stephan Estopia ang larawan ng kaniyang mga mata. Ayon sa kaniyang nobyo, may iba pa siyang plano na ipa-tattoo.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Kiray na matagal na itong gustong gawin ni Stephan, na magpa-tattoo.

"Nakakahaba ng buhok na ipa-tattoo ka ng isang partner mo. Para sa amin kasi, kaya daw two 'yung mata kasi road 'two' forever na raw. Naks!" kinikilig na sabi ni Kiray.

Ayon kay Kiray, mas naging memorable pa ang pagpapa-tattoo ni Stephan dahil napili nito at ng tattoo artist ang isa niyang larawan mula sa kaniyang special photoshoot at makeover ng celebrity makeup artist na si Fanny Serrano.

"Natuwa naman ako kasi siyempre miss na miss ko na rin si TF eh. Ang pinaka-favorite na pictorial ko sa buong buhay ko 'yung gawa talaga ni Tito Fanny," ani Kiray.

Gusto rin daw ni Stephan na isunod na ipa-tattoo ang pangalan ng aktres, mukha at ang kanilang magiging anak.

"Sabi niya, gusto niya eh. Sabi ko 'Huwag muna. Teka lang naman, hinga-hinga muna tayo," anang Kapuso comedianne.

Nakita na aniya ni Kiray ang kaniyang forever kay Stephan na kahit magkaiba sila ng pag-uugali at personalidad.

Naniniwala si Kiray na "opposites attract."

"Sabi ko 'Gusto kong makahanap ng kagaya ng papa ko. Noong nakausap ko pa lang siya, sabi ko 'Ito na 'yun," anang aktres.

Sagot naman ni Kiray sa mga basher ng mga nagpapa-tattoo: "Huwag po nating lahatin. Hindi lahat ng nagpapa-tattoo, nangyayari yun sa kanila. Depende 'yun sa dalawang taong nagmamahalan at nagrerespetuhan sa isang relasyon." --Jamil Santos/FRJ, GMA News