Sa mga mahilig mag-uwi ng mga bagay na napulot sa ibang lugar, may paalala ang paranormal investigator na si Ed Caluag dahil posible raw itong mag-attract ng mga kakaibang nilalang.
Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Raymard ang mga hindi maipaliwanag na karanasan na nangyayari sa kanilang bahay sa Novaliches kahit noong bata pa lang siya.
Kabilang na rito ang mga tila anino na nakikita niya, mga kaluskos, at tinig na hindi niya maintindihan.
Tuwing magigising naman siya sa hatinggabi o alas-tres ng madaling araw, napapansin daw niya na tila nagbabago ang kulay ng kanilang bahay.
Pero ang mga kakaibang karanasan, tumindi raw nitong nakalipas na mga taon. Maging ang kaniyang live in partner na si Kryztal, nasaksihan din ang mga hindi maipaliwanag na pangyayari sa kanilang bahay.
Tulad ng pagbukas ng kanilang cabinet na mag-isa, o ang pagsasara ng kanilang pinto na wala namang iba tao.
Nararamdaman din daw ni Raymard kung minsan na parang may mabigat na nakadagan sa kaniyang dibdib.
Nagpatulong ang programa si Ed Caluag upang alamin kung sino o ano ang gumagambala sa bahay nina Rymard at kung maaari pa kaya itong paalisin.
Pagpasok pa lang sa bahay, sinabi ni Ed na marami na siyang mga elemento na nakikita, at nagsimula na ring sumama ang kaniyang pakiramdam, hanggang sa loob ng bahay.
Napansin ni Ed na tila may nag-a-attract sa mga elemento na magpunta sa bahay at dito na isiniwalat nina Raymard at Kryztal ang tungkol sa bato na kinuha nila sa ibang lugar at kanilang iniuwi.
Ano nga ba ang kaugnay ng bato sa mga elemento at ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News
