Nahuli-cam ang pagwawala ng isang malaking baka na nakarating sa gitna ng kalsada sa Dagupan City, Pangasinan. Ang isang tricycle, napagdiskitahan.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng dashcam ang biglang pagsulpot ng baka sa kalye.

ADVERTISEMENT

Hindi nakaligtas sa baka ang paparating na tricycle na sinuwag nito sa gilid.

Sa lakas ng pagsuwag, makikitang umangat ang gulong ng tricycle pero hindi naman tuluyang tumagilid.

Nagpunta pa ang baka sa kabilang bahagi ng kalsada at napatigil ang mga sasakyan.

Mapalad na walang nasaktan sa insidente at nahuli rin ang baka na pinaniniwalaang nakawala sa nagpapastol ng hayop.

"Para maiwasan ang aksidente ngayon katulad ng nangyari recently maging sa mga nagmamaneho, maging defensive driving tayo palagi. And then sa mga namamastol, kailangan doon sila sa innermost lane para maiwasang mahagip ng mga sasakyan," payo ni Rob Erfe Mejia, hepe ng Dagupan City, Public Order Safety Office.--FRJ, GMA News