Patay ang isang pasahero nang sumabog at masunog ang sinasakyan niyang taxi sa Liverpool, England. Ang pagsabog, dulot umano ng bomba na dala mismo ng nasawi.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang pagdating ng taxi sa compound ng isang ospital.

Maya-maya lang, nahuli-cam na ang malakas na pagsabog nito. Mapalad naman ang driver ng taxi na nakalabas nang buhay sa kaniyang sasakyan.

ADVERTISEMENT

Hindi nagtagal, nagliyab at nasunog na ang taxi habang nasa loob ang pasahero na siyang may dala umano ng pampasabog, ayon sa pulisya.

Nangyari ang insidente kasabay ng paggunita sa mga nasawi sa digmaan o Armistice Day.

Itinuturing ng mga awtoridad na terrorist incident ang nangyari at itinaas sa "severe" ang kanilang national threat level dahil posible raw na masundan pa ang naturang pag-atake.

Tukoy na raw ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawing pasahero pero hindi muna nila inilabas sa publiko ang mga impormasyon.

Kasabay nito, apat na lalaki na ang naaresto kaugnay ng insidente.--FRJ, GMA News