Ipinakita ni John Lloyd Cruz ang itinatago pa niyang talent nang bigla niyang gayahin ang boses ng batikang broadcaster na si Mike Enriquez habang kinakapanayam.

Nasa virtual interview ni Nelson Canlas para sa GMA News “24 Oras,” si John Lloyd, at katabi niya si Bea Alonzo.

Tinanong ni Nelson kung ano ang update sa gagawing sitcom ni John Lloyd bilang Kapuso.

Sa pagsagot ng aktor, biniro ni Bea si John Lloyd na para siyang si Mike Enriquez na magsalita.

ADVERTISEMENT

“Bakit ’pag nagsasalita, parang si Mike Enriquez?” natatawang sabi ni Bea kay John Lloyd.

Dito na ipinagpatuloy ng aktor ang pagsagot sa timbre ng boses ng batikang GMA broadcaster.

“Alam mo Nelson, ang pwede ko lang ibahagi sa’yo ay nakapag-taping na kami ng unang cycle namin. Pwede mong asahan ’yang information na ’yan. Hindi ’yan fake news,” sabi ni John Lloyd.

“Kung kailan kami eere ay hindi ko pa alam, Nelson. Bea, pasok!,” pahabol pa ng aktor habang nagtatawanan sina Bea at Nelson.

Matapos ang naturang panayam, nag-react si Mike sa ginawa ni John Lloyd habang nasa tabi niya ang mga co-anchor sa “24 Oras” na sina Vicky Morales at Mel Tiangco.

“Sabagay, dati na ’kong napagkamalang si John Lloyd," saad ni Mike. "Sa totoo lang...mahirap.”

Pabiro naman sinabi ni Tita Mel, "Magising ka, Mike. Wake up, wake up.”

Ngayon buwan lang naging pormal ang pagbabalik-Kapuso ni John Lloyd para sa gagawin niyang sitcom.

Bago nito, may pelikula sila ni Bea na “One True Pair” na mapapanood via streaming sa Dec. 1. – FRJ, GMA News