Natupad na ang pangarap ng isang babae na manalo ng jackpot prize sa lotto matapos siyang tumama sa Super Lotto 6/49 noong November 9, 2021.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing nagtungo na sa PCSO Main Office ang babae para kunin ang kaniyang premyo.

Nasa "late 50’s" umano ang babae, residente sa Quezon City, at nagtatrabaho sa isang private company.

Nagkakahalaga ng P15,840,000.00 ang napanalunan ng babae matapos niyang makuha ang lumabas na mga numero sa Super Lotto 6/49 draw noong November 9, na 21-41-19-01-08-38.

Madalas umano niyang tayaan ang naturang mga numero na kaniyang mga "alaga" mula pa noong 1995. Ang mga numero ay kombinasyon daw ng petsa ng kapanganakan ng kaniyang mga magulang at kapatid.

Plano raw gamitin ng babae ang premyo sa pagtatayo ng negosyo.

Samantala sa draw nitong Lunes, December 6, 2021, walang tumama sa Megalotto 6/45  na ang lumabas na mga numero ay 31-30-18-05-38-32, at may premyong P70,385,921.60.

Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Grand Lotto 6/55 na ang mga numero naman ay 44-10-51-36-55-48, at umabot ang premyo sa P29,700,000.00.--FRJ, GMA News