Dahil sa paghahanap ng mapagbabalingan upang maalis ang "stress," naisipan ng isang babae sa Baguio City na butingtingin ang alambre. At mula sa pagbanat, pagtubi at pagkakabit ng mga alambre, nakabuo siya ng wire jewelries at wire arts.

Sa "Dapat Alam Mo!," sinabing binansagan na ngayon na "wire lady" si Michelle Camolo, dahil sa nadiskubre niyang talento sa paggawa ng sining gamit ang mga alambre.

"Kailangan ko ng mapaglibangan, mapagbalingan instead of thinking about the stress. Na-[involved] na ako sa arts," sabi ni Michelle.

Nagsimula si Michelle sa mga popsicle at mga ribbons, hanggang sa makakita siya ng wire jewelries.

"Bibili sana ako pero mahal, wala akong pera. So sabi ko sa sarili ko 'Kaya ko naman sigurong gumawa,'" saad ni Michelle.

Dito, nagsimula siyang bumili ng copper wires at gumawa ng wire jewelries.

ADVERTISEMENT

Bukod sa maliliit na alahas, gumagawa na rin si Michelle ng life-sized na mga obra.

Sa likod nito, hindi biro ang pagbuo niya ng mga obra dahil masakit ito sa kamay. Pero masaya si Michelle sa kaniyang ginagawa at kapag nakita na produkto ng kaniyang pinaghirapan.

"Noong una kasi GI wires, matigas po siya, nagsusugat-sugat 'yung kamay ko. Parang, ewan ko, nasiyahan ako. 'Yung sakit na nararamdaman ko napupunta roon," sabi niya.

"Pero noong maglaon, hindi na GI wires, aluminum wires na lang. Softer," dagdag ni Michelle.

Imahinasyon lang daw ang pinapagana ni Michelle sa pagbuo ng kaniyang mga obra.

"Hindi ko siya dino-drawing, ini-imagine ko lang siya. Nag-i-imagine ako ng outcome tapos nag-i-start ako," paliwanag niya.

Kabilang sa mga wire art ni Michelle ang wolf, peacock, life-sized na tao, at maraming iba pa.

Gayunman, sinabi ni Michelle na hindi pa gaanong maaasahan sa kita ang kaniyang mga art.

"Minsan sa isang buwan wala rin. Minsan sa isang buwan may dalawa[ng bibili]," saad niya.

Mas mahalaga para kay Michelle ang maibahagi sa iba ang kaniyang art higit sa katumbas na pera sa kaniyang mga nilikha.

"Sabi nila parang ako pa lang 'yung babaeng gumagawa ng [wire art] dito sa Pinas. Pero siyempre open naman po ako kung may mga gustong magpaturo. Basta inspired sila tapos basta may patience sila," ayon kay Michelle.

--FRJ, GMA News