Kahit naapektuhan ang kita ng kaniyang negosyong restaurant dahil sa COVID-19 pandemic, tuloy sa pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain ang isang Pinay sa California, lalo na sa mga frontliner.

Sa ulat ni James Agustin sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni  Charina Vergara, na Enero 2019 nang itayo nila ang restaurant na Titas of Manila, sa West Covina.

Mga lutong-bahay na putaheng Pinoy ang inihahain ni Vergara sa kaniyang mga kostumer.

Pero bago pa man niya itayo ang restaurant, sinabi ni Vergara na naging ugali na ng kaniyang pamilya na mamigay ng pagkain kapag may mga okasyon tulad ng Thanksgiving at paggunita ng 9/11 Attack.

ADVERTISEMENT

"And then nang magkaroon na kami ng restaurant parang naging tradisyon na ng family na magbigay ng pagkain," saad niya.

Pero nang magkaroon ng COVID-19 pandemic noong nakaraang taon, naapektuhan nito ang kita ng kanilang negosyo.

"Nag-lockdown kami talagang nakaka-iyak ang scenario. Yung benta namin bumaba. Kung iisipin mo kahit wala kaming kita pero hindi kami nawalan ng...hindi kami nagdalawang-isip na i-continue 'yon [pagbibigay ng pagkain," patuloy niya.

Karaniwan nilang pinadadalhan ng pagkain ang mga frontliner tulad ng mga nasa ospital, pulis, bumbero at iba pa.

"It's beyond tradition na, its more of human kindness," ani Vergara. "Na-expand pa 'yon kasi yung mga frontliner. Its a way of saying thank you for keeping us safe."

Ang pagtatayo ng restaurant at pamamahagi ng pagkain ay paraan din daw nina Vergara na ipakilala sa Amerika ang mga lutong Pinoy.

"Nakatulong ka na, nai-promote pa namin ang kultura thought Filipino food," sabi pa niya.-- FRJ, GMA News