Nagpositibo sa COVID-19 ang "Chika Minute" host na si Iya Villania. Sa Instagram post, ibinahagi rin niya ang sitwasyon sa kanilang bahay.

Sa larawan, makikita ang tatlong anak nina Iya at Drew Arellano na sina Primo, Leon, at Alana, habang nakasilip sa glass door kung saan naka-isolate ng TV host upang hindi mahawa ang mga bata.

"Drew and I are still hanging onto that little chance that maybe the kids are spared," sabi ni Iya sa caption.

Sinabi ni Iya na ang kaniyang post ay para rin sa mga magulang na dumadaan sa katulad niyang sitwasyon na kailangang tiisin na hindi mayakap at mahagkan ang kanilang anak.

Naging mahirap umano ito sa kaniya nang malaman niyang positibo siya sa virus.

ADVERTISEMENT

 

 

"Primo gets it, Leon is okay too because he follows his kuya’s lead, but Alana?? Boy, it broke my heart to see her cry for me and not being able to console her even for a bit," ani Iya.

Sinabi ni Iya na hindi nag-iisa ang mga mommy na nasa katulad niyang sitwasyon ngayon.

"My tip? Try not to cry!!!! Coz the tears will only cause nasal congestion and lengthen recovery!," paliwanag niya.

"I know, I know… ang hirap! Man, I CRIED!!! But you have to get over it as soon as you can and get in that speed car towards recovery for your family," dagdag niya.

"Kapit guys! There’s a whole bunch of us! We can do it!," ayon pa kay Iya.

Nito lang nakaraang linggo nang ibalita ni Iya na buntis muli siya para sa ikaapat na anak nila ni Drew.

— FRJ, GMA News