Humingi ng payo sa "Sumbungan ng Bayan" ang isang babae kung ano ang puwede niyang gawin sa taong nangutang sa kaniya pero galit pa kapag siningil niya.

Ayon sa netizen na si Maricel, bukod sa galit ang nangutang sa kaniya kapag kinumusta ang utang nito, may gana pa itong magsalita na para daw bang mukha siyang pera.

Sa panimulang tugon ni Atty. Dondi Justiniani kay Maricel, nagbiro ang abogado na sa kanilang propesyon ay hindi rin nila maipaliwanag kung bakit nga ba nagagalit ang mga nangutang kapag sinisingil na.

Bagaman nakasaad sa batas na hindi puwedeng basta ikulong ang isang tao nang dahil lang sa utang, mayroon pa rin mga puwedeng gawin ang nagpautang nang naayon pa rin sa batas.

ADVERTISEMENT

Payo ni Justiniani kay Maricel, padalhan niya ng demand letter ang taong may utang sa kaniya para alam nito na sinisingil siya sa kaniyang pagkakautang.

"Kapag kasi may demand letter tayo, puwede mo rin itong gamitin as evidence kung gusto mong mag-file ng case sa court," anang abogado.

"Iyon ang kasunod nun, kapag pinadalhan mo siya ng demand letter, hindi siya nagbayad, puwede na tayong lumapit sa hukuman para ipautos sa hukuman na bayaran tayo sa utang," patuloy ni Justiniani.

Kung hindi naman kalakihan ang utang, sinabi ni Justiniani na maaaring isampa ni Maricel ang kaso sa "small claims court," isang special court sa mga utang na hindi higit sa P400,000 sa Metro Manila, at hindi naman hihigit sa P300,000 sa labas ng Metro Manila.

Ayon kay Justiniani, mabilis at kayang resolbahin sa small claims court ang naturang usapin sa utang kahit sa loob lang ng isang pagdinig.

Kung mahigit naman sa P400,00 ang utang na hinahabol, sa ibang korte na puwedeng isampa ang kaso at hindi na puwede sa small claims court.

--FRJ, GMA News