Papaano nga ba malilimutan ang isang taong minamahal mo at inabot ng 50 taon ang inyong pagsasama bilang mag-asawa? Si Lola Myrna, dama ang lungkot sa pagpanaw dahil sa COVID-19 ng kaniyang mister na si Lolo Sonny, na muli niyang pinakasalan sa kanilang golden anniversary.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing nagpositibo sa COVID-19 nitong Oktubre ang 79-anyos na si Lola Myrna Copiaco at ang asawa niyang si Lolo Sonny.

Nagkaroon sila ng matinding ubo at hirap sa paghinga kaya kinailangan nilang gumamit ng oxygen habang naka-isolate sa bahay. Gayunman, naging mas malala ang kondisyon ni Lolo Sonny, na may hypertension at kagagaling lamang sa angioplasty noong Hulyo nang nakaraang taon.

"Lagi kong sinasabi 'Daddy inhale exhale lang, kayang kaya mo 'yan. Dati mong ginagawa 'yan sa walking natin, inhale, exhale. Bakit ngayon hindi mo magawa?' Hindi po siya kumikibo. 'Yun pala hirap na hirap na siyang huminga," ani Lola Myrna.

Bago nito, college sweethearts sina Lola Myrna at Lolo Sonny. Lagi silang nagkikita sa chapel noon, at paborito ni Lola Myrna ang subject na Algebra kaya nagpapaturo siya kay Lolo Sonny.

Limang dekada nang kasal sina Lola Myrna at Lolo Sonny, at may sari-sarili nang pamilya na ang kanilang apat na anak.

ADVERTISEMENT

Muling nagpalitan ng kanilang wedding vows sina Lolo Myrna at Lolo Sonny para sa kanilang golden wedding anniversary.

"Pinilit ko po na maikasal kami ng golden [anniversary], kahit pandemic ginawa po sa bahay. Kaya po pala ako nagpipilit na maisakatuparan ang golden namin ay may mangyayari po pala," sabi ni Lola Myrna.

Magkasama sa isolation sina Lola Myrna at Lolo Sonny sa kanilang pagharap ng kanilang laban sa COVID-19. Gayunman, patuloy na bumaba ang oxygen ni Lolo Sonny kaya kinailangan na siyang dalhin sa ospital.

"Doon po ako naiyak dahil sabi ko, wala na hindi ko na makikita ang asawa ko. Siguradong hindi na, dahil hindi naman po ako ia-accept doon sa ICU dahil bawal na bawal po roon ang bisita," ani lola.

Unti-unting gumaling si Lola Myrna, pero patuloy naman ang pagbaba ng oxygen level ni Lolo Sonny. Hanggang sa Nobyembre 2, 2021, pumanaw na si Lolo Sonny dahil sa komplikasyon.

"Pinalalakas ko lang po 'yung loob ko pero sa totoo lang po gusto ko na ring sumunod," sabi ni Lola Myrna.

Naging mahirap para kay Lola Myrna na tanggapin ang pagkawala ng kaniyang asawa.

Pero unti-unting bumabangon si Lola Myrna sa tulong ng araw-araw na pag-e-ehersisyo ng Tai Chi. Ayon sa kaniya, nakatulong sa kaniya ang Tai Chi para makontrol ang kaniyang emosyon at mapalakas ang kaniyang paghinga.

Naniniwala siya na ang naturang ehersisyo rin ang nakatulong sa kaniya sa laban sa COVID-19.

Ang Tai Chi na rin ang nagsisilbing libangan ni Lola Myrna para maibsan ang labis na kalungkutan sa pagkawala ni Lolo Sonny.

"Naka-move on ako. Inalis ko ang stress, ang tensyon, ang problem, 'yung nakaraan namin na hindi maganda, hindi ko na binabalik sa isip ko," sabi niya.

Tutuparin ni Lola Myrna ang pangako niya sa asawa na in sickness and in health at till death do us part, kahit hindi na niya ito kasama.

"Hindi kita papalitan. You are my one and only. You're the best daddy. I love you daddy, I love you," mensahe ni Lola Myrna sa namayapang asawa.

--FRJ, GMA News