May dahilan para maging happy kahit single sa Valentine's Day ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng General Luna sa Quezon dahil doble ang matatanggap nilang sahod sa Pebrero 14, 2022.

Papatak sa araw ng Lunes ang Valentine's Day kaya may pasok sa mga tanggapan.

ADVERTISEMENT

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nakasaad sa executive order ng lokal na pamahalaan na ang pagdoble sa sahod ng mga single na kawani ay pagkilala sa kanilang pagpasok sa trabaho.

Hindi ring luhaan ang mga single employee na pipiliin na hindi pumasok sa Feb. 14 dahil magiging "leave with pay" ito para sa kanila.

Pero kailangan na mag-fill out ng form ang mga naturang kawani sa kanilang executive department.

Tinawag ng lokal na pamahalaan ng General Luna ang naturang patakaran para sa mga single o walang sabit na "innovative governance." —FRJ, GMA News