Sa "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga," inilahad ng batikang aktor na si Mon Confiado na 11 taon na siyang single.

"Wala na, napaglipasan na eh," sabi ni Mon nang tanungin ng mga host na si Jose Manalo at Paolo Ballesteros kung bakit hindi na siya pumasok muli sa isang relasyon.

Seryosong paliwanag ng aktor, nagbago na umano ang mindset niya tungkol sa pakikipagrelasyon dahil na rin sa kaniyang edad ngayon.

"Iba na yung hinahanap ko. Na-experience ko na kasi halos lahat ng ligawan, kumbaga relationship," saad niya.

ADVERTISEMENT

"Isang malaking factor din siguro na galing din ako sa isang mahabang relasyon na 17 years tapos walang nangyari," dagdag niya.

Aminado si Mon na may takot siya na baka doon din mauwi kung sakaling makikipagrelasyon siya ulit.

Sinabi rin ni Mon na sobrang busy siya sa trabaho at inaambisyon niyang makasali sa international film.

"Isama na din yung busy sa trabaho. Alam naman ng lahat yung dedication ko sa acting medyo extreme," paliwanag niya.

Nang tanungin si Mon kung hindi ba niya hinahanap-hanap na may sumasalubong sa kaniya kapag umuuwi, sabi ng aktor, "Nag iba na yung mindset ko, tinanggap ko nang matandang binata na ko."

Sabi pa niya, nasanay na rin siya na sarili lang ang inaasikaso.

Gayunman, hindi naman tuluyang isinasara ni Mon ang isip na magmahal muli.

"Si Lord lang ang makakaalam kung kailan darating ang tamang makakasama sa buhay. If ever, why not?," pahayag niya.

--FRJ, GMA News