Kumpara sa karaniwang saging na ang iba ay umaabot sa sampung pulgada ang haba, ang saging sa isang barangay na makikita sa Iloilo City, umaabot ng hanggang 20 pulgada, o kasing haba at taba ng braso.

Ang naturang dambuhalang saging ay makikita sa bakuran ng pamilya ni Florencio sa Barangay Mabuyo sa Sta. Barbara, Iloilo.

Kuwento ni Florencio, ibinigay lang sa kanila ang naturang puno ng saging at nagulat sila nang makita na malaki ang bunga nito.

Isa o dalawang beses din lang ito mamunga sa loob ng isang taon.

ADVERTISEMENT

Pero ayon sa eksperto, ang giant saging na kung tawagin sa Iloilo ay "Saha," hindi talaga saging kung hindi "Tindok," na mula sa pamilya ng saging.

Maganda rin daw na iluto ang tindok kapag kinain.

Mapapansin din umano ang kaibahan sa kulay at texture sa laman ng karaniwang saging at giant saging.

Ayon naman sa nutritionist, mayaman sa vitamin B6 at dietary fibers ang saging na mabuti sa digestion at blood sugar regulation.

Mayroon din itong potassion at magnesium para sa muscle contraction at heart health support.

Pero sa laki ng giant saging, triple ang nutrisyon na makukuha rito kaya hinay-hinay din sa pagkain at makabubuting ibahagi sa iba at huwag solohin.

Pagdating naman sa dami ng saging sa mundo, kabilang umano  Pilipinas sa mga bansa na may pinakamalaking produksiyon nito.   

--FRJ, GMA News