Inakala ng isang 22-anyos na babae na magagamot ng albularyo ang mga butlig at sugat na tumubo sa kaniyang katawan na dahil daw sa kulam. Pero nang dalhin siya sa ospital, dito niya nalaman na isa pala itong malubhang sakit.

Sa ulat ni JP Soriano sa "Dapat Alam Mo!" sinabing natigil ang breadwinner na si Princess Grace Mendoza, sa paghahanap-buhay dahil sa mga butlig at sugat na tumubo sa kaniyang katawan noong Abril 2021.

"Una po sa albularyo po muna kami, kasi sabi ng iba kulam daw po. May pagbabago sa mukha ko, natuyo-tuyo kahit paano kasi may binigay po sa aking parang herbal na pinapahid," sabi ni Princess.

Pero pagkaraan ng anim na buwan, bigla nang hinimatay si Princess at isinugod sa ospital.

Dito na nalaman ni Princess na hindi pala kulam kundi lupus ang kaniyang sakit.

"After po noon, lumala ang manas ko, hanggang binti. Pati 'yung tiyan ko lumaki, pati 'yung mukha ko," sabi ni Princess.

ADVERTISEMENT

Paliwanag ng mga eksperto, ang lupus ay isang uri ng auto-immune disease na inaatake ng katawan ang sarili nitong mga organ.

Panghabambuhay din ang sakit na lupus.

Ayon sa rheumatologist na si Dr. Elizabeth Edralin Manulu, kadalasang mga babae, mga bata na nasa reproductive age, at mga nanganganak ang inaatake ng lupus.

Ilang sintomas ng lupus ang pantal sa balat, pagkalagas ng buhok, singaw sa bibig, arthritis, tubig sa baga, puso o tiyan, at pamamanas.

Sa kaso ni Princess, bato o kidney niya ang naapektuhan ng sakit.

"Inoperahan po ako sa tagiliran ko. Binawasan 'yung tiyan ko," paglalahad ng dalaga.

Ayon kay Dr. Manulu, layon ng therapy na makontrol ang mga sintomas ng lupus at hindi na lumala.

Pinakamadaling iwasan sa mga pasyenteng may lupus ang pagbibilad sa araw dahil malaking trigger sa environmental factors ang exposure sa UV, ayon sa mga pag-aaral.

Nangangailangan si Princess ng mahigit P5,000 kada buwan para sa kaniyang mga gamot.

"Hindi po ako makalakad, mabigat po 'yung katawan ko. Hindi ko na po kaya 'yung sarili kong maglakad-lakad," sabi ni Princess.

Sa mga nais tumulong kay Princess, maaari kayong magpadala kay:

Jermin P.
Gcash: 09184163973

--FRJ, GMA news