Usap-usapan ngayon ang isang lalaki sa Samal Island sa Davao del Norte. Kaya raw niyang mapaamo ang sangkaterbang mga bubuyog at inilalagay pa niya sa kaniyang mukha parang balbas.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" mapapanood ang video ni Alberto "Boy Totoy" Loon, o alyas Boy Bubuyog, na kasa-kasama niyang kumain ang mga bubuyog at pati na rin sa kaniyang joy ride.

Para patunayang hindi edited ang kaniyang mga video, naghanap muna ng mga bubuyog si Loon, saka siya naglagay ng dahon sa tainga para hindi ito pasukin.

Kumuha siya ng mga bubuyog mula sa isang puno at inilagay ito sa kaniyang leeg. Ilang saglit pa, nag-umpukan na rin ang mga bubuyog sa kaniyang mukha, tainga at leeg.

Gayunman, nakagat si Loon sa kaniyang bibig at namaga ang kaniyang labi.

Bago nito, dati na ring nakagat si Loon ng mga bubuyog.

ADVERTISEMENT

"Nakagat nila ako parang lumalaki na 'yung mukha ko. Maraming nagsasabi baka mabulag ako. Lumalapit naman ako, humihingi ako ng sorry," sabi ni Loon.

Nitong Nobyembre ng 2021, nadiskubre niyang napapaaamo na raw niya ang mga bubuyog at dumadapo na ang mga ito na parang kaibigan.

Hinahalik-halikan na rin ni Loon ang mga ito at kasa-kasama niya sa kaniyang pagkakape, pagmomotor at pagtulog.

Nakatulong din ang mga bubuyog sa kabuhayan ni Loon dahil mayroon na siyang pinagkukuhaan ng honey na ibinebenta niya sa halagang P250 kada bote.

Pinabulaanan ni Loon na mayroon siyang agimat, kahit na dating manggagamot ang kaniyang ina.

Paliwanag ng entomologist na si Dr. Amelia Nicolas, ang mga bubuyog na lumalapit kay Loon ay mga Asiatic o Asian Honey Bee o Eastern Honey Bee na puwedeng alagaan, at native sa Southeast Asia at East Asia.

"During swarming, they are at their most docile na state kaya madali silang i-handle," sabi ni Dr. Nicolas.

"'Yung mga bubuyog na ito ay naistorbo roon sa kanilang pag-swarm. Sila ay maaabala rin sa nararapat nilang ginagawa na naghahanap ng bagong matitirahan o good nesting spot. 'Pag nangyari ito hindi makagagawa ang worker bees ng brood combs kung saan dito nagle-lay ng itlog ang queen. Huwag na po natin silang istorbohin o galawin kasi 'yung disturbance ay may epekto sa kanila," dagdag ni Dr. Nicolas.

Paliwanag naman ng physician na si Dr. Ed Jhann Lu, matagal nang nakakagat si Loon ng mga bubuyog kaya mayroon na siyang desensitization o nasasanay na ang katawan niya sa lason.

"Dapat hindi sadyain na magpakagat sa bubuyog dahil sobrang pangit ng effect nito sa katawan. Pwede itong makadulot ng pagkamatay ng tao dahil sa tinatawag na anaphylactic shock," payo ni Dr. Lu.

"Huwag niyo naman po akong gayahin. Minamahal ko na talaga sila. Para ko naman talagang kaibigan na ang turing," babala ni Loon.

--FRJ, GMA News