May misteryo nga kayang bumabalot sa isang tricycle sa Virac, Catanduanes na nahuli-cam na tumawid ng highway, umikot, at maayos na nag-park sa kabilang bahagi ng kalsada nang walang taong nakikita sa sasakyan?

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa CCTV na naka-park ang asul na tricycle sa kabilang bahagi ng national highway sa Barangay San Vicente.

Pero maya-maya lang, umandar na ang tricycle, tumawid ng highway, umikot at maayos na pumarada muli sa kabilang bahagi ng kalsada.

ADVERTISEMENT

Makikita rin sa CCTV ang dalawang tao na nakakita sa pagtawid ng tricycle pero nagtaka nang malaman na wala namang taong nagpapatakbo ng motorsiklo.

Ayon sa ulat, nagtungo pa sa barangay hall ang dalawa para panoorin ang CCTV footage at makasiguro sa kanilang nakita.

Aminado naman si Barangay Kagawad Nilo Avila, hindi rin nila maipaliwanag kung ano ang nangyari sa tricycle.

"Wala talagang tao 'yon. Tsineck ko po after nung mag-review ako ng CCTV so wala po talaga siyang tao maam. Pumunta lang po lang siya sa kabila and then doon lang po siya nag-park nang maayos," pahayag ni Avila.

Pababa rin umano ang naturang bahagi ng kalsada kaya kung kusa umanong umandar ang motorsiklo ay dapat na magtutuloy-tuloy ito pababa at hindi liliko gaya ng ginawa ng misteryosong tricycle.

Ayon sa ulat, sinubukan na kunan sana ng pahayag ang dalawang saksi at maging ang may-ari ng tricycle pero tumanggi na silang nang magbigay ng komento.

May ilang netizen naman na nagkomento na posibleng nagtatago umano ang driver ng tricycle sa loob ng sidecar at nakahawak ang isang kamay nito sa manibela. --FRJ, GMA News