Pangunahing marka sa hitsura ng kuneho ang kanilang malaking tainga. Pero ang baby kuneho na isinilang sa Piddig, Ilocos Norte, wala ang dalawang tainga.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing ang pambihirang baby kuneho na walang mga tainga ay pag-aari ng pamilya ni Salustiano Aquino.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pamilya, tatlo ang naging anak ng inaheng kuneho pero namatay ang dalawa at tanging ang walang tainga na baby kuneho ang nabuhay at pinangalanan nilang Laila.

Kahit walang tainga, malusog naman ang baby kuneho at aktibong gumalaw.

Ayon kay Dra. Loida Valenzuela ng Ilocos Norte Provincial Veterinary, maraming dahilan ng abnormalidad sa hayop. Kabilang dito ang pagkakaroon ng impeksiyon habang ipinagbubuntis, trauma o genetic.

Sa kabila ng kawalan ng tainga, itinuturing ng pamilya Aquino na espesyal si Laila at kanilang patuloy na aalagaan. --FRJ, GMA News