Aminado ang 20-anyos na si Rommel Lacasandili na "kain-tulog" ang buhay niya noon. Kaya ang kaniyang timbang, umabot sa 90 kilos at 45 inches ang waistline.

Dahil sa kaniyang mabigat na timbang, sinabi ni Rommel sa programang "Pinoy MD" na tinutukso siyang "baboy" at napabayaan sa kusina.

Pag-amin pa ni Rommel, kaya raw niya noon na umubos ng isang kalderong kanin, at kumakain pa siya kahit sa gabi. Sa kabila nito, wala raw siyang aktibidad na puwede siyang pagpawisan.

Sa laki ng kaniyang katawan, naging pansinin din si Rommel kapag sumasakay sa jeep. Ang upuan daw kasi na puwede pang pang-dalawahan sa pasahero, nagiging pang-isahan na lang kapag siya ang sumakay.

Dahil na rin sa uri ng kaniyang lifestyle, si Rommel, naging highblood sa edad na 18. Nakararamdam din siya ng pananakit ng batok, pagkahilo, at madaling mahapo.

ADVERTISEMENT

Naalarma si Rommel sa kaniyang mga nararamdaman  kaya nagpasya siya sa sarili na kailangan na niyang magbawas ng timbang.

Kaya naman nagsaliksik siya sa internet ng paraan kung papaano siya makakapag-diet hanggang sa mabasa niya ang tungkol sa intermittent fasting.

"Nakita ko sa iba na kaya naman nila, bakit sa sarili ko hindi ko magagawa? Iyon po ang naging mindset ko kaya tinuloy-tuloy ko rin po," ayon kay Rommel.

Sa intermittent fasting na "16-8," 16 oras na hindi kakain si Rommel, at may walong oras naman siya para magpakabusog.

Aminado si Rommel na hindi naging madali sa kaniya ang simula lalo pa't madali siyang magutom. Pero desidido talaga siyang magpapayat.

Kung may naamoy umano siyang pagkain pero hindi pa siya puwedeng kumain, ang pag-inom ng tubig ang naging sandigan niya.

Hanggang sa nagbunga ang disiplina ni Rommel sa pagkain. Kaya ang dating 90 kilos niyang timbang, ngayon 78 kilos na lang. Ang dating damit niya na pumuputok na dahil sa kaniyang katabaan, maluwag na ngayon.

"Lagi akong tinutukso ng kaibigan ko. Sabi ko sa kaniya, 'Kapag pumayat ako, who you ka sa akin," masaya niyang sabi.

Pero paano na ba kumikilos ang intermittent fasting para makatulong sa pagpapayat? Gaano nga ba ito kaepekto at bakit hindi ito puwedeng gawin ng iba? Panoorin ang buong pagtalakay sa video ng "Pinoy MD."

--FRJ, GMA News