Bago pa man pumutok ang araw, pumalaot na ang grupo ng mga mangingisda sa Tablas, Romblon. Pero hindi lambat ang kanilang dala kung hindi mga nylon rope na may hook at pain upang manghuli ng 'dalupapa’ o giant squids na nasa malalim na parte ng dagat.

Sumama ang host ng programang "Born To Be Wild" na si Doc Nielsen Donato, sa grupo ng mga mangingisda na pumalaot sa Tablas upang manghuli ng dalupapa na tinatayang nasa 300 metro sa kailaliman ng dagat.

Upang mahuli ang malalaking pusit, nilalagyan ng pain ang hook na nakatali sa nylon. Ang nylon, nakatali rin sa boya na may banderitas upang magsilbing palatandaan kung nasaan ito at kung may huli na.

ADVERTISEMENT

Kapag may kumagat sa pain, mano-manong hinahatak ng mangingisda ang nylon paakyat sa bangka upang kunin ang nahuling pusit.

Nang araw na sumama si Doc Nielsen sa mga mangingisda, ilang piraso ng dalupapa ang kanilang nahuli. Makikita ang matingkad nitong kulay orange, malaki ang mga mata at nagbubuga pa ng tinta nang lapitan ito ng TV host habang nasa dagat.

Ang mga nahuhuling dalupapa, binibili rin mangingisdang si Ramil Royo, na tubong Masbate.

Ayon kay Ramil, humina na ang huli nila ng dalupapa sa kanilang lalawigan kaya dinala niya ang paraan ng panghuhuli ng giant pusit sa Romblon.

Pero saan naman kaya dadalhin ni Ramil ang mga binibili niyang dalupapa at may peligro bang mawala rin sa Romblom ang mga giant pusit gaya nang nangyari sa Masbate?

Panoorin ang buong episode ng "Born To Be Wild."

--FRJ, GMA News