Nag-flex ng kaniyang swimsuit photo si Herlene "Hipon Girl" Budol na isinumite niya sa Binibining Pilipinas. Inihayag din ng comedienne ang kahandaan na tanggapin kung matanggap man siya o hindi sa naturang kompetisyon.

Ipinost ni Herlene sa Instagram ang kaniyang swimsuit photo at sinabi niyang "squammy pose muna si Hipon."

Ang "squammy" ay pinauso ni Herlene na pinaigsi niyang tawag sa "squatter" na pinanggalingan umano niya.

Sa caption ng larawan, inihayag ni Herlene na, "Matanggap man or hindi ako matanggap bukas sa Binibining Pilipinas atleast nag try lang si Hipon."

Umaasa si Herlene na makapagbibigay siya ng inspirasyon sa mga supporter niya na tinatawag niya "Hiponatics."

"Sana ma inspire ko kayo mga Hiponatics na Never give up on ur dream. Because great things take time! Work hard & be optimistic. Turo yan ni Tito @rodinb.flores at ni Manager @sirwil75," patuloy niya.

 


May hiwalay na post din si Herlene ng kaniyang swimsuit photo para sa Bb. Pilipinas at inihayag na may nagsabi sa kaniya na kamukha sa larawan si "Pops Fernandez na may halong MJ Lastimosa."

Humingi ng suporta si Herlene para sa final screening ng Bb. Pilipinas na gaganapin umano sa Abril 22.

 

 


--FRJ, GMA News