Ikinuwento nina Aubrey Miles at Troy Montero ang una nilang pagkikita. Ayon sa aktres, inakala niya noong una na walang gusto sa kaniya ang aktor.

Sa exclusive interview ng PEP.ph, sinabi ni Troy na una niyang ipinaalam na crush niya si Aubrey sa panayam sa kaniya sa telebisyon ni Kris Aquino.

"I was trying not to say it sa live kasi we don't know each other," anang aktor.

Nagkaroon pa ng pagkakataon si Troy nang araw na iyon na magpa-picture kasama si Aubrey dahil co-host ang aktres sa sumunod na programa.

Sabi ni Troy, nagpunta siya sa dressing room ni Aubrey para magpa-picture.

"I don't take pictures with anyone. It was actually, like, her camera, a real camera and not a cellphone camera," anang aktor. "I still have it."

Ang sumunod nilang pagkikita, si Troy ang gumawa ng paraan na naging pares sila bilang guest sa isang noontime show.

Nakapagsayaw silang dalawa ng swing sa programa.

Ayon kay Aubrey, napansin niya na hindi nakikipag-flirt sa kaniya si Troy kaya inisip niya na wala itong gusto sa kaniya.

"Hindi siya nagpi-flirt, ah. Kasi may mga guys na magpi-flirt sila sa tingin or sa hawak. Siya hindi. Akala mo lang kaibigan lang. Akala ko nga hindi niya ako gusto," anang aktres.

Kaya parang nagduda siya sa sinabi ni Troy sa programa ni Kris.

"Ako naman, parang, 'Okay. Ako lang ba yung nagpapa-cute?'" ani Aubrey. "Ganun siya. Sobrang gentle lang. Hindi siya yung flirt na alam niyang kinikilig ako nung time na yun."

Hanggang sa hiningi na umano ni Troy ang number ni Aubrey at pinapadalhan siya ng bulaklak.

"The intention was there," ani Troy.

Ayon kay Aubrey, anim o pitong buwan siyang niligawan ni Troy bago naging sila.

"Feeling ko maiksi pa 'yon that time. Pero ngayon, parang ang haba na pala nun," sabi ng aktres.

Sa pitong buwan na ligawan, ngayon ay 18 taon na ang relasyon nina Troy at Aubrey, at naging engaged noong nakaraang buwan.

Mayroon nang dalawang anak sina Aubrey at Troy na sina Hunter at Rocket. May isang anak naman si Audrey sa dating nakarelasyon.—FRJ, GMA News