Pisikalan ang larong basketball at hindi maiwasan ang balyahan. Ang isang binatilyo, nadulas at nabali ang braso na nagkorteng "S" sa pag-agaw ng bola. Pero dahil malayo ang ospital, sa manghihilot siya dinala para magamot.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng kaanak ng binatilyong si Jaypee Aurelio, na labis silang nabahala sa kalagayan nito nang makitang nag-"S" ang kaniyang braso.

Ngunit dahil malayo sa kabihasnan ang kanilang lugar sa Badoc, Ilocos Norte, dinala nila si Jaypee sa manghihilot na si Reynaldo Agustin sakay ng korong-korong o isang uri ng tricycle.

Kaagad na kumuha si Mang Reynaldo ng kawayan na gagawin niyang brace sa nabaling braso, at nagpakuha pa ng isdang "dalag."

Matapos na lagyan ng tourniquet o ipitin ang itaas na braso ni Jaypee, hinatak naman ni Mang Raynaldo ang nakabalikong parte nito.

ADVERTISEMENT

Laking gulat ng mga tao nang maidiretso ang braso, at nilagyan ng laman ng dalag bago nilagyan ng kawayan na ginamit na brace.

Matapos ang ginawang panggagamot, sinabihan pa rin ni Mang Raynaldo na magpunta pa rin sa ospital o duktor si Jaypee para masuri ang braso.

Ayon kay Jaypee, makati at mabaho ang inilagay na isda sa nabali niyang braso.

Pero matapos ang isang araw, nakadiretso na muli ang braso ni Jaypee.

Nagtungo rin sila sa ospital at doon na nakita na nabalian siya ng buto.

Pinayuhan si Jaypee na ipasemento ang nabaling buto pero tutol ang binatilyo sa takot na baka mabulok ang braso niya.

Kaya sinamahan muli ng "KMJS" team si Jaypee sa orthopedic surgeon para masuring mabuti ang kalagayan ng kaniyang braso.

Tuluyan na kayang gagaling ang braso ni Jaypee at ano kaya masasabi ng mga duktor sa ginawang paggamot ng hilot sa braso niya na ginamitan pa ng dalag?

Panoorin ang buong ulat sa video. -- FRJ, GMA News