Dahil nasa ibang bansa ang mga anak, ang dalawang alagang unggoy ang nagmistulang mga anak ng isang ginang sa Quezon. Ang kaniyang alaga, ipinaghehele pa niya sa pagtulog.

Sa programang "Dapat Alam Mo," ipinakilala ni Yvory Rosales ng Mauban, Quezon, ang mga alaga niyang unggoy na sina Sam at Pia.

Kung loyalty at lambing daw ang pag-uusapan, hindi raw magpapatalo sa mga pusa o aso ang mga alagang unggoy.

Ayon kay Yvory, napunta sa kaniya si Sam noong magkaroon ng pandemya nang may magbenta sa kaniya ng unggoy.

ADVERTISEMENT

Galing din daw sa ibang baryo si Pia na kaniyang hiningi para magkaroon ng kasama si Sam.

"Ang sabi ko po, 'Akin na lang si Pia para may kasama si Sam. Dalawa silang aalagaan ko," ani Yvory.

Mahigit isang taon nang alaga ni Yvory ang mga unggoy at spoiled ang mga ito kay Yvory--gaya ng pagpapadede sa baby feeding bottle, dinadamitan, pinapaliguan, at pinaghehele kapag natutulog.

"Malayo po ang mga anak ko nasa ibang bansa. Kumbaga pinokus ko na lang sa kanila yung... kapag nami-miss ko yung mga anak ko, 'yon kinakausap ko po ang mga alaga ko," kuwento ni Yvory.

Napapasunod din daw ni Yvory sina Sam at Pia, at talaga raw malambing ang mga ito.

Nakikipagkulitan din ang dalawang unggoy sa mga pusa at aso sa lugar.

Aminado naman si Yvory na batid niya na hindi legal ang pag-aalaga niya kina Sam at Pia dahil wala siyang kaukulang permit.

At kahit alam niyang maaaring may kumuha sa kaniyang alaga sa ginawa niyang pag-amin, nagpaunlak pa rin siya ng panayam dahil sa pagmamahal niya kina Sam at Pia.

Pero ano nga ang mga dapat tandaan ng mga nag-aalaga ng unggoy batay sa payo ng eksperto? Alamin sa video na ito. --FRJ, GMA News