Lalaki sa hitsura at kilos pero paupo kung umihi ang isang binatilyo sa Catanauan, Quezon dahil mayroong maliit na butas sa ilalim ng maselang bahagi ng kaniyang katawan at doon lumalabas ang kaniyang ihi.

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng ginang na itinago sa pangalang "Linda," na sanggol pa lang nang isilang niya ang anak na si "Alex," hindi niya tunay na pangalan, ay nakita na nila ang tila dalawang ari ng bata.

Kaya naman nang iparehistro ang pangalan ng bata, pinapili si Linda kung anong kasarian ang ilalagay sa birth certificate ng kaniyang anak.

Dahil sa malikot ang bata, pinili ni Linda na ilagay na lalaki ang kasarian ni "Alex."

ADVERTISEMENT

Lumaki naman na normal na bata si Alex, at hindi lumaki ang kaniyang dibdib.  Wala ring palatandaan na magkakaroon siya ng buwanang regla gaya sa mga babae.

Iyon nga lang, paupo kung umihi si Alex dahil sa butas sa ilalim ng ari lumabas ang ihi.

Nang malaman ng iba ang kaniyang sitwasyon, doon na nagsimulang ma-bully si Alex.

Kaya naman kahit hirap, sinisikap na ni Alex na patayo na kung umihi kahit pa siya nakatingkayad at "kalat" ang kaniyang ihi.

Mula noong pagkabata at kakapusan sa pera, hindi pa muling nasusuri si Alex upang malaman kung siya ba talaga ay lalaki o isang babae.

Kaya naman sinamahan si Alex na ipasuri sa mga espesyalista upang masagot na ang matagal na tanong sa isipan ni Alex.

Alamin sa video ang natuklasan ng mga duktor sa kalagayan ni Alex na kung tawagin ay "Proximal Hypospadias." May pag-asa pa kayang masolusyon ang kaniyang kondisyon? Panoorin. --FRJ, GMA News