Bukod sa malamig na tubig, may iba pang nagpakilabot sa isang turistang babae sa Kawasan Falls sa Badian Cebu nang may ma-videohan siya na tila anino ng dalawang binti ng tao sa ilalim ng tubig.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Ella Ruth Muldong, na naisipan niyang mamasyal upang makapag-relax mula sa kaniyang trabaho.

Isa sa pinuntahan niya ang sikat na pasyalan sa Badian--ang Kawasan Falls na malamig ang tubig at maganda ang tanawin.

Kuwento ni Ella, ugali niya na mag-video sa ilalim ng tubig dahil nais niyang makita ang paligid nito. Kaya nang sumisid siya sa talon, muli siyang nag-video.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Ella, siya lang mag-isa ang nasa tubig nang sandaling iyon. Pero nang panoorin ng kaniyang kaibigan ang video, napansin niya ang tila anino ng dalawang binti.

Pero nang umahon si Ella, wala raw talaga siyang ibang kasama na malapit sa kaniya nang mga oras na iyon.

Naisipan daw ni Ella na i-upload sa social media ang video para malaman ang reaksiyon at pananaw ng ibang tao.

Doon na niya nalaman sa isang nagkomento na naninirahan malapit daw sa talon na sadyang mayroon kababalaghan sa naturang lugar.

Ang ibang residente na nakausap ng "KMJS" team na malapit din sa talon, naniniwala rin na mayroong nagpaparamdam doon.

May nagkuwento rin na isang lalaki na naligo noon sa talon ang nasawi matapos na mabagsakan ng isang tao na tumalon mula sa itaas ng talon.

Upang imbestigahan kung may kababalaghan nga ba sa talon, sisisid ang paranormal researcher na si Ed Caluag upang alamin ang katotohanan.

Alamin ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ni Ed Caluag at ang pananaw ng mga eksperto na sumuri sa video ni Ella. Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News