Magiging ama na ang vlogger na si Whamos Cruz matapos ipaalam ng kaniyang nobya at kapwa vlogger na si Antonette Gail na buntis siya.

Kilala ang dalawa bilang pares na vloggers sa tawag na 'Whamonette.'

Inanunsiyo ni Antonette ang kaniyang pagbubuntis sa video post nang ipakita niya kay Whamos ang dalawang positive pregnancy tests.

“Magkaka-baby na kami (June 6, 2022),” caption ni Antonette sa video post niya sa Facebook nitong Lunes.

Makikita naman ang sobrang kasiyahan ni Whamos na magiging ama na siya. Itinuturing niyang blessing ang paparating na anak.

“So guys, may blessing na naman na dumating sa buhay namin. Sa lahat ng naging blessing na dumating sa amin, ito 'yung pinakamagandang blessing sa amin, magkaka-baby na kami guys,” sabi ni Whamos.

Balewala rin sa dalawa ang mga negatibong komento ng ilang basher sa pagbubuntis ni Antonette.  

May ilang netizen ang nagkokomento na huwag sanang maging kamukha ni Whamos ang magiging anak nila.

Mensahe rin siya sa mga basher, "Sa lahat ng mga mamba-bash diyan, panigurado 'yan iba-bash [n'yo] kami. Ito lang ang sasabihin namin sa inyo, sa lahat ng mga bashers, go lang, i-bash [n'yo] lang kami. Basta kami, wala kaming pakialam sa inyo. Dahil una sa lahat hindi kayo ang gagastos dito."

Noong nakaraang taon, naitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang love story ng dalawa na nagsimula bilang TikTok couple.--FRJ, GMA News