Masakit man sa kalooban ng kaniyang mga magulang, wala silang magawa kung hindi ikadena ang paa ng kanilang anak na 23-anyos na ngayon sa Quezon. May pag-asa pa kaya siyang makakakawala sa tanikalang walong taon nang nasa kaniyang paa?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Nanay Eleonor Castillo ng Candelaria, Quezon, na kailangan nilang ikadena ang anak nilang si Miguel, hindi tunay na pangalan, dahil sa nagiging marahas ito.

Kahit siya, hindi nakakaligtas sa pananakit ng anak na biglang nagbabago ang ugali. Katunayan, nakuhanan pa ng video nang muntikan na siyang tamaan ng suntok ng anak nang minsan lapitan niya ito.

Nagsimula raw magbago ang ugali ng kanilang anak nang magpaalam ito noon na magtatrabaho sa maisan upang kumita at makatulong sa kanilang mag-asawa.

Ngunit nang bumalik ang anak, napansin na nila ang malaking pagbabago sa kaniyang ugali.

“Takot na takot. May papatay raw po sa kanya. Sumuot po siya sa ilalim ng lababo. Ayaw niya pong lumabas,” kuwento ni Eleonor.

“Lagi po siyang nagwawala. Sinusuntok niya po ako. Hinabol po niya ng taga 'yung binata ko,” patuloy niya.

ADVERTISEMENT

May pagkakataon din na sinakal ni Miguel ang kaniyang sariling ama na si Ceferino.

Dahil dito, nagpasya na silang ikadena si Miguel sa lumang bahay ng kaniyang lola. Natatakot sila na baka may ibang tao na masaktan ang kanilang anak.

“Parang aso doon na nakakulong. Masakit po sa damdamin ko. Pero wala po akong magagawa,” emosyonal na pahayag ni Eleonor.

Sa banig natutulog si Miguel, at dinadalhan siya ng pagkain ng kaniyang ina.

“Kahit po anong pananakit niya sa akin, lahat po ay kinakaya ko,” ayon kay Eleonor, na patuloy na kinakaya ang mga pagsubok sa buhay.

Bukod kasi sa kalagayan ng anak na si Miguel, kailangan din asikasuhin ni Eleonor ang kaniyang asawa na si Ceferino, na nakaranas ng stroke.

Dahil dito, kailangan niyang kumayod bilang factory worker na kumikita ng P1,000 bawat linggo para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Ngunit kahit hirap ang katawan at isipan, ang tanging hangad ni Eleonar ay gumaling si Miguel.

“Gusto ko siyang mapatingnan. Kapag siya po ay gumaling, may magandang bukas pa po siguro sa kanya. Makakatrabaho, magkakaroon ng sariling pamilya,” pahayag ng ginang.

Dahil sa matagal na pagkakakadena, kapansin-pansin ang maitim na marka sa paa ni Miguel. Ayon kay Eleonar, kapag nasa tamang katinuan, hinihiling ng kaniyang anak na alisin na ang kadena.

“Sabi niya, ‘Mama, pakawalan niyo ako.’ Naisip ko na tanggalin pero baka makapanakit siya, paano po ‘pag wala ako. Sabi ko, ‘Kapag magaling ka na pakakawalan ka namin,’” saad niya.

Ngunit dahil sa kahirapan ng buhay, hindi magawa ni Eleonor na maipatingin sa duktor ang anak.

Kaya naman idinulog ng "KMJS" team sa Local Government Unit of Candelaria ang sitwasyon ni Miguel. At pagkaraan ng walong taon, matatanggal na ang kadena sa kaniyang paa.

Gayunman, hindi ito magiging madali sa sandaling umatake ang pagiging bayolente niya.  Bakit nga ba nagkaganoon si Miguel at may pag-asa pa kaya siyang gumaling? Panoorin sa video ng "KMJS" ang kaniyang buong kuwento.--FRJ, GMA News