Sa halip na makapagpahinga at makabawi ng lakas, ikinakatakot ng ilang tao ang matulog dahil sa pangambang baka bangungutin sila o makaranas ng sleep paralysis. Ano nga ba ang kaibahan ng dalawa at totoo nga bang binabangungot ang mga busog.

Sa programang "iJuander," sinabing bangungot ang tawag sa mga masasamang panaginip, na base sa paniniwala ng ilan ay maaaring magdulot ng pagkamatay.

Sa bangungot, may nakakakilabot na nararanasan ang isang natutulog. Pero hindi siya makagalaw at masigaw para makahingi ng tulong.

Gaya ni Chad Ezuelo, na nagkuwento nagising siya sa kaniyang pagkakatulog at lumapit pa sa kaniyang nakakatakot na babae.

Hanggang sa gisingin na siya ng kaniyang kapatid dahil nadinig siyang umuungol.

ADVERTISEMENT

Sa Ilokano, tinatawag daw ang ganitong pangyayari sa pagtulog na Batibat, na isang uri ng masamang espiritu.

Sa alamat ng mga Ilokano, ang Batibat ay tila isang malaking babae na anyo at naninirahan sa mga puno.

Ayon kay Prof. Nestor Castro, Department of Anthropology, UP Diliman, kasama sa mga paniniwala na para magising mula sa bangungot ay kailangang kagatin ang hinlalaki o igalaw ang mga daliri sa paa.

Pero para sa mga duktor, sleep paralysis ang nangyayari kapag ang isang tao ay hindi makagalaw sa gitna ng kaniyang pagkakatulog.

Ayon sa sleep specialist na si Dr. Michael Ryan Abuan, paralisado ang katawan o hindi makagalaw ang isang tao sa gitna ng deep sleep o REM (rapid eye movement) sleep.

Pagdating sa sleep paralysis, bahagyang mulat ang diwa o conscious ang isang tao sa kaniyang kapaligiran.

Dahil nasa pagitan ng REM state ang isang tao kung saan pareho siyang nananaginip at pagiging gising, nagkakaroon siya ng hallucination o mga nakakatakot na imaheng nakikita sa sleep paralysis.

Paglilinaw ni Dr. Abuan, walang koneksiyon ang pagtulog ng busog sa pagkakaroon ng bangungot.

Para maagapan ang pagkakaroon ng bangungot, payo ni Dr. Abuan, "I-refer niyo sila sa either psychiatrist or neurologist to resolve 'yung main disorder." --FRJ, GMA News