Isa sa mga kondisyon ng nagpapautang ang pagkakaroon ng guarantor ng nangungutang bago pautangin. Paniguro ito ng nagpapautang na may iba pa siyang sisingilin kapag hindi nakapagbayad ang nangutang. Pero kailan puwedeng habulin ng nagpautang ang guarantor? Alamin.

Sa "Kapuso sa Batas," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na ang mga nagpapautang ay hindi basta-basta naglalabas ng pera maliban kung mayroon silang alternatibong pagkukunan ng bayad kung sakaling hindi makabayad ang nangungutang.

Kabilang na rito ang pagkuha ng ari-arian bilang seguridad, o isang guarantor na magbabayad kapag hindi nakapagbayad ang pangunahing nangutang.

ADVERTISEMENT

Kapag guarantor ang isang tao, sisingilin lamang siya kung naubos na ang lahat ng ari-arian ng nangutang bilang pambayad. O kaya naman ay naisagawa na ang lahat ng legal na remedyo para mahabol ang pangunahing nangutang.

Iba ito sa "surety," na puwede nang dumiretso ang isang nagpautang para maningil kung wala nang makukubra o naubos na ang ari-arian mula sa pangunahing umutang.

Paalala ni Atty. Concepcion para sa guarantor o surety, kailangan niyang tingnan ang kaniyang obligasyon bilang naggagarantiya sa nangungutang. May mga kasulatan daw kasi na "joint and solidary" o "you waive the benefit of excussion" sa kasunduan. Kapag mayroon nito, nangangahulugang sila kaagad ang pupuntahan ng nagpautang kapag hindi nakapagbayad ang kanilang ginarantiyahan na nangutang.

Sa kaso naman ng mga matagal ng mga utang na matagal nang hindi nababayaran, sinabi ni Atty. Concepcion na walang babayarang interes ang nangutang kung wala naman silang napag-usapang interes o tubo ng nagpautang.

Pero ayon sa Artikulo 2209 ng Civil Code, may legal o compensatory interest na 6% per annum na tubo para sa nagpautang kung tila hindi na nagbabayad ang nangutang at walang pinag-usapang interes.

Paalala pa ni Atty. Concepcion, dapat na maningil o obligahin ng nagpautang sa pamamagitan ng kasulatan na bayaran siya ng nangutang. Kung hindi niya ito gagawin, mawawala ang karapatan niyang mag-file ng claim sa korte.--FRJ, GMA News