Para mabawasan ang iintindihan ng mga kamag-anak sakaling siya ay pumanaw na, habang nabubuhay pa ay pinaghandaan na ng isang 91-anyos na lolo ang kaniyang paglisan sa mundo.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni JP Soriano, sinabing matagal nang pinaghandaan ni Lolo Alejandro Crisostomo Vego, ng Sebaste, Antique ang kaniyang kamatayan.

Nakaranas noon ng mild stroke si Lolo Alejandro, agad daw na naghanda ang kaniyang pamilya sakaling pumanaw siya.

"Na-stroke siya, 75 years old siya. Half body kasi siyang paralized at the time," sabi ni Medelyn Vego-Marasigan, anak ni Lolo Alejandro.

ADVERTISEMENT

Ngunit tila himalang nanumbalik ang lakas ni Lolo Alejandro. At nang makakuha ng buwelo si Lolo Alejandro, siya na ang naging punong abala sa paghahanda sa kaniyang kamatayan.

"Nagpagawa siya ng kabaong niya, siguro nakakalakad-lakad na siya noon. Nagpa-therapy naman kaya naka-recover siya," sabi ni Medelyn.

Ayon pa kay Medelyn, nauna pang namatay ang karpintero na gumawa ng kabaong para kay Lolo Alejandro. Nang matapos ang kabaong, pansamantala itong inilagay sa kisame ng bahay.

At pagkaraan ng halos 16 taon, ibinaba na sa kisame ang kabaong nang sumakabilang buhay na si Lolo Alejandro nitong Hulyo 13, 2022 dahil sa cardiac arrest.

Huling habilin ni Lolo Alejandro na ilagay siya sa ipinagawa niyang kabaong at ipahila sa kalabaw ang karosa na paglalagyan nito. Dapat din daw na gumamela ang ilagay na bulaklak sa karosa, at mga lumang awitin ang patugtugin.

Ngunit dahil matagal nang naka-stock ang kabaong, marupok na ito at hindi na kakayanin ang bigat ni Lolo Alejandro.

Hindi rin nasunod ang bilin tungkol sa paggamit ng kalabaw dahil hindi maikabit ang karosa sa araw ng libing ni Lolo Alejandro. Kaya napilitan ang pamilya na kabayo na lang ang gamitin patungo sa sementeryo.

Nagamit din ng pamilya ang P31,000 na naipon ni Lolo Alejandro para ipangdagdag sa gastusin sa kaniyang libing.

Ang presidente ng Professional Embalmers Association of the Philippines, may payo kung papaano paghahandaan ang kamatayan. Panoorin sa video. --FRJ, GMA News