Hindi maiwasan ni Edmar Cunanan na kabahan tuwing nagse-selfie dahil may bigla raw nakikisali sa kaniyang larawan kahit mag-isa lang siya sa lugar. Ang isang photo expert, sinuri ang larawan ni Edmar, at ginaya ang selfie. Pero may parang imahe rin ng mukha ng isang babae lumitaw na tila hindi niya napansin.

Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Edmar, 25-anyos, na ang nakakakilabot niyang larawan na may lumitaw na kalahati ng mukha ng lalaki ay kuha umano sa bahay ng nobya ng isa niyang kaibigan.

Wala na raw sila sa bahay nang malaman niya ang tungkol sa misteryosong photobomber nang mapansin ito ng kaniyang mga kaibigan sa kanilang group chat.

Tinanong siya kung sino ang kasama niya sa selfie gayung mag-isa lang daw siya at walang ibang tao sa kaniyang likod nang kunan niya ang larawan.

Pero hindi raw iyon ang unang pagkakataon na may misteryosong imahen na sumisingit sa kaniyang selfie.

ADVERTISEMENT

Tila kahawig daw niya ang lalaking photobomber na laging kalahati lang ng mukha ang nakikita, matulis ang tenga, at tila raw naagnas.

Dahil sa takot, lagi raw niyang binubura kaagad ang larawan kapag nakita niya ang misteryosong photobomber.

Nang magsagawa ng imbestigasyon sa bahay ni Elmer ang paranormal researcher na si Ed Caluag, hinihinala niya na maligno ang sumasali sa selfie.

Posibleng galing daw sa ibang lugar ang nilalang na sumama kay Elmer hanggang sa bahay nito.

Dito na naalala ni Elmer ang kakaiba niyang karanasan noong magpunta siya sa La Union. May nanggagambala umano sa kaniya at walang tigil sa pagbulong.

Kaya ang dapat sanang matagal na bakasyon, napaigsi at kaagad na umalis si Elmer dahil sa takot.

Sinuri naman ng photo expert na si Japs Ramiscal ang larawan ni Elmer na may misteryosong photobomber.

Kombinsido siya na hindi edited ang larawan at maaaring may nagbibiro lang kay Elmer na kaibigan na biglang sumingit sa selfie.

Ginaya rin ni Japs ang ginawang selfie ni Elmer at ipinaliwanag kung ano ang nangyayari sa larawan depende sa gamit ng ilaw o liwanag.

Pero tila hindi niya napansin na parang may mukha ng batang babae na bilog ang mga mata na naki-photobomb sa kaniya. May misteryo nga ba sa mga selfie? Panoorin ang video.--FRJ, GMA News