Sa unang guesting ni Ice Seguerra sa "The Boobay and Tekla Show," game niyang sinagot ang maiinit na tanong katulad ng kung naranasan ba niyang makipag-loving-loving sa loob ng kotse.

Sumalang si Ice sa segment na "Guilty or Not Guilty" ng TBATS kung saan itinanong sa kaniya ang ilang bagay kung nagawa ba niya o hindi.

Isa nga sa itinanong sa OPM artist ay kung naranasan ba niyang makipag-loving-loving sa kotse.

Mabilis namang sumagot si Ice ng "guilty."

"Sa resort," pakli ni Ice nang tanungin kung saan iyon nangyari.

Ikinatuwa ni Boobay ang pagiging open ni Ice sa pagsagot.

"Ano itatago ko may asawa na ako, matanda na ako," ani Ice.

Kasama raw nila ang pamilya nila at wala silang "moment" ng kaniyang ka-loving-loving kaya doon sila sa kotse.

Aminado rin si Ice na naranasan niyang mag-stalk sa social media ng kaniyang ex.

Paliwanag niya, friends din naman niya sa social media ang kaniyang mga ex kaya sinisilip din niya ang mga nangyayari sa buhay ng mga ito.

Paglilinaw ni Ice, hindi naman iyon isyu sa kanila ng kaniyang partner na si Liza Diño, dahil wala naman silang itinatago sa isa't isa.

Ayon pa kay Ice, open siyang makipagkaibigan sa kaniyang mga naging ex. Pero sa lahat ng kaniyang ex, isa lang ang binalikan niya.

"Sa lahat ng ex na nakabalikan ko si Liza lang. Naging kami before," paglalahad niya.

Guilty rin si Ice na inaaway niya ang kaniyang dyowa dahil sa selos. Tinukoy niya ang nobya na si Liza na bago pa lang daw sila noon.

"Hindi ako selosong tao pero ganun yata talaga kapag maganda ang asawa mo," sabi niya.

"Tapos alam mong marami ring poging nakaraan," natatawa niyang habol.

Pero sino kaya ang dating ka-love team na lalaki ni Ice na kinilabutan siya dahil kailangan nilang maging sweet noon dahil hindi pa siya umaamin na miyembro ng LGBT community. Panoorin ang buong panayam sa "TBATS."-- FRJ, GMA News