Nagsimula lamang sa kaniyang cravings dahil sa pagbubuntis, kumikita na ngayon ng P50,000 hanggang P70,000 tuwing Ber months ang isang babae sa negosyo niyang Puto Bumbong na niluluto sa kawayan.

Sa programang "Pera Paraan," sinabing nagsimula lang noon si Romilyn Cinco, may-ari ng PutoBumbong Republic, sa stainless steamer sa paggawa ng puto bumbong.

Pero hindi niya makuha ang tamang timpla at texture, kaya naisipan niya itong gawin sa tradisyunal na paraan na paggamit ng kawayan.

Nang i-post ni Cinco sa social media ang gawa niyang puto bumbong, marami ang natakam, hanggang sa maging instant negosyo na ito.

ADVERTISEMENT

Nagsimula si Cinco sa P300 na puhunan at pumuwesto sa tricycle terminal sa Pasig para magtinda.

Gayunman, dumating ang matinding dagok sa pagsisimula ng kaniyang negosyo. Kasisilang pa lamang ni Cinco sa kanilang bunso nang operahan ang kaniyang mister at tanggalin ang appendix nito.

Pinagsabay ni Cinco ang pagiging isang online casino dealer habang nagtitinda ng puto bumbong. Pero apat na buwan pa lang sa trabaho, nagkapandemya at isa siya sa mga unang tinanggal.

"Dati po talaga ang solusyon ko sa mga problema namin is mangutang para mabayaran 'yung bills. Bale dumating na kami sa point na binenta na 'yung bahay namin before para pambayad din sa mga utang," sabi ni Cinco.

Pero hindi sumuko si Cinco, at tinulungan niya rin ang mga dating kasamahan sa trabaho na maging reseller ng puto bumbong.

"Doon na po nagsimula nang magulat ako, 'Hala isang araw lang P50,000. Lahat ng utang namin wala na po," kuwento niya.

Sa ngayon, kumikita na ng P20,000 hanggang P30,000 ang negosyo ni Cinco tuwing off-season. Tuwing peak season o Ber months naman, umaabot sila ng P50,000 hanggang P70,000.

Iniipon nina Cinco ang pumapasok na pera para makabili ng sariling bahay at lupa.

Paano nga ba ginagawa ni Cinco sa tradisyunal na kawayan ang best-seller nilang Puto Bumbong? Panoorin sa Pera Paraan. —FRJ, GMA News