Kinagigiliwan ngayon ng mga netizens ang reaksyon ng mga estudyanteng pasok sa honor roll sa isang eskwelahan sa General Santos City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa “Unang Balita” nitong Martes, makikita sa isang video na nagkagulo ang mga estudyante nang isa-isang tawagin ang mga honorable mention sa kanilang section.
Kita rin sa video ang lubos na kasiyahan ng buong section para sa mga awardee.
Maging ang titser nga nilang si Kris Girl Ramos, hindi rin nila nakalimutang pasalamatan.
Sila ang mga Grade 6 students ng Upper Tambler Central Elementary School.
Ayon kay Kris, makukulit daw talaga ang kaniyang mga estudyante pero matatalino naman.
Lagi rin niyang paalala sa klase na gawin ang kanilang best araw-araw.
Bonus na lang daw na makapasok sa honor roll dahil nakikita naman niya ang effort sa pag-aaral ng kaniyang mga estudyante. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News
