Sa isang barangay sa Javier, Leyte, hindi maiwasan ng ilang residente ang mangamba at mapaisip tungkol sa umano'y kuwento ng ilan nilang kalugar na nagigising na lamang na wala nang saplot pang-ibaba.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Bobby Cabrigas, na isa siya sa mga nakaranas ng kakaibang insidente na nagising na lang na wala na ang kaniyang short.

Aniya, naalimpungatan siya kamakailan na nilalamig ang ibabang bahagi ng kaniyang karawan dahil wala na pala siyang saplot pang ibaba.

Nagkaroon pa nga raw sila ng pagtatalo ng kaniyang asawa dahil pinaghinalaan niya ito na siyang nag-alis ng kaniyang salawal habang natutulog siya.

Tiniyak din ni Bobby na nakasara ang pintuan ng kanilang bahay at walang ibang tao na nakapasok sa kanilang kuwarto. Kaya naging palaisipan sa kaniya kung papaano naalis ang kaniyang salawal habang natutulog.

Napag-alaman na isang gabi bago nangyari kay Bobby ang kakaibang insidente, natanggalan din ng short habang natutulog ang kapitbahay niyang si "Rose," 'di tunay na pangalan.

"Natulog po ako mga 9:00 pm. Wala naman po akong nararamdaman na kahit ano," ani Rose. Pero nagising daw siya sa pagkakatulog dahil nanlalamig na rin siya.

At nang tingnan niya ang kaniyang katawan, wala na ang kaniyang short.

"Pagtingin ko naka-panty na lang ako. Kinabahan ako," anang dalaga.

Sabi pa ni Rose, masikip ang kaniyang short at hindi madaling matanggal. Tanging ang lola lang daw niya ang kasama niya sa kuwarto.

Iginiit naman ng lola na hindi niya inaalisan ng short ang kaniyang apo.

Dahil nangamba sa kanilang kaligtasan, inireport ng dalawa ang insidente sa kanilang barangay.

Ang hinala ng ibang residente, baka may kababalaghan na nangyayari sa kanilang lugar na gawa ng mga elemento.

Sa pag-asang baka mabigyan ng linaw kung paano natatanggalan ng short sina Bobby at Rose, pumayag silang kabitan ng CCTV ang kanilang kuwarto at masubaybayan ang kanilang pagtulog.

Mahuli-cam kaya ang kasagutan sa misteryo? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News