Ngayong Kapaskuhan, marami sa mga Pinoy ang makatatanggap ng kanilang 13th month pay at Christmas bonus. Sa kabila nito, may iba pa rin na tila dumaan lang ang pera sa kanilang palad at hirap mag-budget. Paano nga ba gagastusin nang tama ang bonus?

Sa ulat ni Joanne Punsoy sa GMA Regional TV “One North Central Luzon”, sinabi ng isang financial advisor na lifestyle ang isa sa mga rason kung bakit maraming empleyado ang walang naiipon.

"We live beyond our means. Ibig sabihin, gumagastos tayo nang sobra doon sa natatanggap nating suweldo," sabi ng financial advisor na si Boneth Jovellanos.

Kaya naman kung tataas ang suweldo, huwag munang baguhin ang lifestyle, at tiyaking mas mataas pa rin ang kinikita kaysa binabayaran.

"Konti at marami, may way ka na mag-budget. Kasi kung gusto mong itabi, kahit magkano 'yan, 'pag pinangakuan mo ang sarili mo... 'Pag hindi mo siya kailangan, huwag mo siyang bibilhin," dagdag ni Jovellanos.

Maigi rin na huwag magdala ng pera o ATM card kung hindi kayang kontrolin ang sarili sa paggastos.

Huwag ding pairalin ang pamamaraang "Bahala na" at gawin ang "percentage" way.

Para sa percentage financial analysis process, imenos muna ang lahat ng gastusin. Mula sa matitira sa sahod, itabi ang 70% para sa personal na pangangailangan at iba pang luho.

Ang 20% naman ay ilaan sa ipon, at 10% ang ilaan para sa offering o pagtulong sa kapwa.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News