Nasawi ang isang 26-anyos na babaeng motorcycle rider matapos siyang masagi at magulungan ng trailer truck sa Mel Lopez Boulevard sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Neri Joy Matias, na siyang nasa isang viral post online na namatay matapos ma-hit and run ng trailer truck gabi ng Lunes.
Kuwento ng pinsan ni Neri Joy, pinost nila ang sinapit ng biktima dahil wala silang makuha na CCTV footage sa pinangyarihan ng aksidente.
“Lahat ng footage, naghahanap kami pero wala talaga. Hanggang sa kinailangan na namin i-post para makakuha kami ng mga impormasyon... Napakabait po ng tao na ‘yan, sobra. Kamamatay lang ng mama niya last year, sumunod kuya niya. Kaya siya na lang talaga, siya na lang ang inaasahan. Tapos ganito,” sabi ng kaanak ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng Vehicular Traffic Investigation Section ng Manila Police District na pauwi na mula sa trabaho ang biktima sakay ng motorsiklo nang masagi siya ng trailer truck.
Dahil dito, sumemplang ang biktima at nagulungan ng truck na agad niyang ikinasawi.
Makaraan ang dalawang araw, natunton ng pulisya ang driver ng truck sa tulong ng isang motorcycle rider na tumayong eyewitness.
Ipinresenta kay Manila Mayor Isko Moreno at sa pamilya ng biktima ang driver ng truck.
“Hindi ko po, mayor, napansin po na nakasagasa po ako talaga. Hindi ko po talaga napansin po ho. Kaya tuloy-tuloy lang po 'yung takbo ko po,” sabi ng suspek.
Ngunit ayon sa pulisya, hindi puwedeng arestuhin sa kasalukuyan ang suspek matapos itong lumampas sa 36 hours reglementary period. Nangangahulugan itong kailangan pang hintayin ang warrant of arrest na magmumula sa korte bago madakip ang driver ng truck.
“‘Yung taong nakasagasa, malaya. Normal lang ngayon ang buhay, nakakapaghanapbuhay. Samantalang 'yung sa amin nakahiga rito, gano'n lang ‘yun?” emosyonal na sabi ng kaanak ng biktima.
Iginiit naman ng pulisya na agad silang kumilos matapos malaman ang sinapit ni Neri Joy.
Natuklasan ng mga awtoridad na dati nang nasangkot ang suspek sa kaparehong pangyayari.
“Allegedly ‘yung driver eh nagkaroon na rin siya ng unang kaso na nakaaksidente siya. Ganu’n din na namatay din. Nakita rin namin sa CCTV na nagmamadali itong truck na ito. Nilampasan niya 'yung mga stoplight. So siguro aware na rin siya sa nangyari,” sabi ni Police Captain Joel Aquino, Chief ng Vehicle Traffic Investigation ng MPD.
Sinampahan na ang suspek ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng driver ng truck at ng kompanya, at nakikipag-ugnayan din sa LTO. — Jamil Santos/VBL GMA News
