Bukod sa lechon, isa ang castañas sa mga inaabangang pagkain ngayong papalapit na ang Pasko. Pero kahit may magandang benepisyo sa kalusugan, payo ng isang nutritionist, hinay-hinay lang sa pagkain nito.

Sa programang “Dapat Alam, Mo!,” dinala ng mga Tsinong mangangalakal ang castañas dito sa Pilipinas.

“Talakatak” umano ang tawag sa punong nagbubunga ng castañas, at may matatagpuan nito sa mga lalawigan ng Laguna, Quezon at Albay.

Samantala, sako-sakong castañas ang dumarating sa tindahan ng mag-asawang Lolo Boyet at Lola Tess sa Binondo, Manila.

Inangkat mula China ang kanilang paninda kaya ito tinawag na Mandarin variety.

“Nagsisimula kaming mag-order ng October. Panahon ng castañas from October to December,” sabi ni Lola Tess Sia, na 1970s pa raw nang magsimula silang magtinda ng castañas.

Naisip din ni Lolo Boyet na gumawa ng makinang pangluto ng castañas na hindi na ginagamitan ng mantika.

“Mas masarap kainin ang walang mantika at saka hindi siya madulas. Hindi siya dumidikit. Sa castañas tuklapin siya,” ani Lola Tess.

Ayon pa sa ginang, mas mainam rin daw gumamit ng pebbles sa pagluluto kaysa buhangin dahil maaaring pumasok ang butil sa castañas.

“Para ‘wag masunog ang balat, pantay-pantay ang luto,” dagdag pa ni Lola Tess tungkol sa paglalagay ng maliliit na bato sa pagluluto ng castañas.

Inaabot ng 45 minuto ang pagluluto nila ng castañas, at nagkakahalaga ng P450 kada kilo ang bentahan.

At sa isang araw, nakakabenta raw sila ng halos limang sako ng castañas.

Samantala, sinabi naman ng registered nutritionist-dietician na Si Mabelle Aban, na ang hilaw na castañas ay may mataas na thallic acid content.

“Isa itong natural compound na nasa gulay, prutas at nuts. Kapag marami tayong nakain, posibleng magdulot ng stomach discomfort, nausea, at iba pang mga health problems sa mga may kidney or liver disease,” paliwanag ni Aban.

Gayunman, gaya ng ibang klase ng mani, masustansya rin ang castañas.

“Mas mataas ang carbohydrate content at fiber content ng castañas kumpara sa ibang nuts at dahil sa mababang fat content nito, isa ito sa mga nuts na may pinakamababang calories. Beneficial din ito for our gut, brain health, detoxification o paglilinis ng toxins na kailangan ilabas sa ating katawan,” ani Aban.

Pero sinabi ni Aban na kailangan din maghinay-hinay sa pagkain ng castañas.

“Isa ito sa mga food items na na-associate with increase uric acid levels na-associate with gouty arthritis,” aniya pa.--FRJ, GMA Integrated News