Gumagapang ang takot sa mga residente sa isang compound sa Las Piñas dahil sa dami ng ahas na nahuhuli sa mga bahay. Ang mga ahas, nakikita sa dingding, kisame, at pati sa banyo. Saan nga nanggagaling ang mga ito?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, sinabi ng mga residente na may mga malalaki at maliliit na sawa na nahuhuli sa mga kabahayan sa kanilang lugar.

Ayon kay Mark Henson Oreo, residente sa naturang compound, simula pa raw noong 2017, anim na sawa na ang nakita sa kanilang bahay.

“Nakita po namin nasa dingding, nakatago sa likod ng wallpaper, nakalambitin sa kahoy, sa ceiling po ng bubong o sa banyo,” saad ni Mark.

Dahil sa pangamba, nilagyan na nila ng harang ang kanilang dingding para hindi na makapasok ang sawa sa loob ng bahay.

Sinabi naman ni Nenita Gacuma, na napagkamalan niyang sinturon ng kaniyang anak ang ahas na nakita niya sa loob ng kanilang banyo.

“Papunta po ako ng CR maliligo sana ako. Akala ko sinturon po ng anak ko ‘yung nalaglag, tapos kinukuha ko po nang nagsabi ng ‘ssss’, ay may ahas po,” ani Nenita.

ADVERTISEMENT

Ganito rin ang naging karanasan ni Anthony Longcop. Aniya, umiihi raw siya sa kanilang banyo nang biglang may malaking sawa siyang nakita.

Sa tuwing may ahas sa kanilang lugar, ang takbuhan ng mga residente ay ang kapitbahay nilang si Rommel Adona.

“Dito sa compound namin, halos 20 na ang nahuli ko,” pahayag ni Rommel.

Bagamat aminadong natatakot din, sinabi ni Rommel, na nilalakasan na lang niya ang kaniyang loob.

Minsan na rin daw siyang natuklaw ng sawa dahil kamay lang ang gamit niya sa paghuli sa mga ito.

Pero bakit nga ba sunod-sunod ang nahuhuling ahas sa kanilang compound gayong malayo naman sila gubat?

“Sa tingin po namin du’n po nagmumula ang mga ahas na nakukuha namin sa puno ng Balete,” ani Mark.

Ayon naman sa pinakamatandang residente sa lugar na si Boy Dy, dati raw na may nangupahan sa kanilang lugar na may mga alagang ahas, isda at sari-saring hayop.

“Dati po itong pet shop. May mga malalaking ahas, maliit, sari-sari. May mga nakawala sa kulungan,” giit naman ni Roberto Davila Jr., caretaker ng dating petshop.

Kahit ilang beses nang may nahuling sawa sa lugar, nananatili ang takot ng mga residente dahil sa paniwala nila na hindi pa nahuhuli ang itinuturing nilang "mother snake."

Ayon kay Sherwin Castillo ng Las Piñas City Veterinary Services Office, reticulated python ang uri ng ahas na nakita sa naturang compound.

“Sila naman ay uri ng sawa na hindi naman venomous. Hindi po sila nakamamatay. Pero ang delikado po sa kanila kapag ikaw ay nalingkis o kaya ikaw ay makagat, siguradong masusugatan ka rin,” sambit ni Sherwin.

Nitong nakaraang lingo, iniinspeksyon na ng mga kawani ng barangay, City Veterinarian ng Las Piñas at Department of Environment Natural Resources-Metropolitan Environmental Office South ang compound.

Pakay nilang hanapin ang iba pang sawa na posibleng naglulungga sa lugar at alamin kung tunay ang pinangangambahang "mother snake." Makita kaya nila ito? Panoorin ang kabuuan ng kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News