Laking gulat ni Buboy Villar nang alukin siya ng isang Koreano na pumili ng kahit anong inumin na gusto niya sa isang convinience store sa Korea pero may hiningi itong kapalit. Alamin kung ano ito.

Nangyari ang nakatutuwang insidente habang sinu-shoot sa Korea ang "Running Man Philippines," na season finale na ngayong Disyembre.

Sa video, makikita na takang-taka si Buboy at hindi malaman kung ililibre siya ng Koreano ng inumin, o nagpapalibre ba ito sa kaniya.

Sa tulong ng kasama nilang interpreter, nalaman ni Buboy na siya ang ililibre ng Koreano ng kahit anong inumin na gusto niya.

ADVERTISEMENT

Masayang tumatanggi si Buboy pero ang Koreano ang nagpilit--basta pumirma lang si Buboy ng autograph.

Nahihiya man, pumili ng isang inumin si Buboy at nag-autograph sa Koreano.

Maging ang mga kasama ni Buboy sa show ay pumirma na rin.

Sa Instagram post, ikinuwento ni Buboy ang nakatutuwang pangyayari.

"Hindi ko makalimutan na nilibre ako ng isang koreano ng inumin sa mokpo! Habang nasa gitna kami ng shoot ng RMPH Dahil sa ngiti ko HAHAHA.. akalain mo yun!," saad niya sa caption ng larawan na kasama ang Koreano ang mokpo.

"Bastat mag smile kalang kahit hindi kayo magkaintindihan.. kasi hindi mo naman alam ang babalik sayo...Dont Expect Just Smile," patuloy niya. 

 

 

-FRJ, GMA Integrated News