Isang ina na nakalbo dahil sa kondisyon na alopecia ang binigyan ng libreng makeover ng isang makeup artist at vlogger. Hiniling ito ng ginang para sa isang mahalagang okasyon ng kaniyang anak.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing humiling ng ginang na si Jessa kay Strandz ang makeover sa makeup artist at vlogger na si Richard Strandz dahil sa gaganaping binyag ng kaniyang anak.
.
“Para po sa binyag ng anak ko, para hindi po ako mapahiya sa simbahan. Nahihiya po kasi akong ipakita iyong sitwasyon dahil po iyong sasabihin ng ibang tao, nahihiya po talaga ako,” saad ni Jessa.

Nakalbo umano si Jessa dahil sa sakit na alopecia kung saan inaatake ng immune system ang hair follicles kaya nalalagas ang buhok.

Posible itong namamana o hindi kaya ay sintomas ng iba pang sakit.

ADVERTISEMENT

Sa kaso ni Jessa, posibleng dulot ito ng pagbabago sa hormones dahil lumala raw ang kanyang sakit matapos niyang manganak.

Labis din daw ang kanyang stress dahil sa problemang pinansyal.

“Nangungupahan po kasi kami eh. Tapos iyong araw po ng asawa ko, magkano lang, P380 lang din po. Tapos naggagatas at diaper pa iyong anak ko,” ani Jessa.

Libre ang makeover na ibinigay ni Strandz kay Jessa, tulad ng kaniyang ginagawa sa mga napipili niyang tulungan.

Kasama sa mga nabigyan ng makeup artist noon ng makeover noon ang isang lolang namamalimos, lolang palaboy na nangangalakal, lolang palaboy na nangangalakal, isang basurero, manikuristang nawalan ng ngipin, at anak ng tindera ng prutas.

Naging adbokasiya na raw ni Strandz na makapagpasaya dahil siya rin daw kasi mismo ay galing sa hirap.

Matapos ang makeover kay Jessa, masaya at may kumpiyansa niyang idinaos ang binyag ng kanyang unica hija at inimbitahan din si Richard na siyang tumulong sa kanya.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News