Naging bisita sa "Eat Bulaga" bilang isa sa guest choices sa Bawal Judgmental segment si Kosang Marlon, na naging viral sa Tiktok dahil sa pagkanta niya ng "Jopay."

Mga taong nag-cover ng kanta na nagkaroon ng milyong-milyong views sa social media ang pinagpilian sa naturang segment.

Si Marlon, umabot sa 7.8 milyon ang views ng video sa Tiktok dahil sa pagkanta niya ng "Jopay" ng bandang Mayonnaise, na wala sa tono.

Sa pagtatanong ng mga dabarkads, sinabi ni Marlon na may grupo talaga siya ng dancers, at sumali sila sa dance contest ng Eat Bulaga na "Sayaw Barangay [SB]" noong nakaraang taon.

ADVERTISEMENT

Ipinaalala niya na kasama siya ng grupo na may spongebob, at kaagad naman itong naalala ng mga dabarkads kaniyang ginawa.

Kuwento ni Marlon, dati na niyang kinakanta sa kaniyang grupo ang Jopay, at naisipan niyang baguhin ang tono nito nang mag-videoke sila ng kaniyang nobya sa isang mall.

Bukod sa sintunadong kanta, nakatawag ng pansin sa mga nakapanood ng video ang ginawang paghataw sa kaniya ng nobya ng song book.

Maging si Bianca Umali, nagulat nang makita ang naturang video nang hampasin sa uli ng libro si Marlon.

Ayon kay Marlon, totoo ang ginawang paghampas sa kaniya ng kasintahan dahil nairita umano ito sa kaniyang pagkanta.

Nang malaman naman ni Alan K, na naka-jamming ni Marlon ang bandang Mayonnaise, sinabi ng TV host na pumunta si Marlon sa Klownz para makita naman nito si Jopay Paguia, dating miyembro ng Sexbomb, at naging inspirasyon ng Mayonnaise sa paggawa ng kantang Jopay na unang sumikat noong 2005.

"Last week nandun siya [Jopay] parang magigiba yung Clownz sa ingay ng mga tao...Jopay! Jopay! Ganito ba ulit kasikat 'tong kanta na 'to?," ani Alan K.

Nang tanungn kung kaya rin bang kantahin ni Marlon sa tamang tono ang "Jopay?" Sabi niya, kaya niya. Pero dahil hindi basta naniniwala ang dabarkads, pinakanta nila si Marlon. Panoorin ang kinalabasan nito sa video ng Eat Bulaga.--FRJ, GMA Integrated News