Isa si Ryan Agoncillo sa mga labis na humahanga sa showbiz couple na sina Jan Marini at Gerard Pizarras na mahigit 20 taon nang nagsasama. Inihayag din ni Gerard kung paano siya umiiwas sa tukso na hindi umano mawawala.

Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, ibinahagi nina Jan at Gerard na 23 taon na silang kasal, o kabuuang 26 taon kung isasama ang taon na magkarelasyon pa lang sila.

Edad 20 noon si Gerard, habang 18 si Jan nang maging sila.

Natanong sina Jan at Garard sa mga hamon na kanilang pinagdaanan sa buhay mag-asawa.

“Hindi nawawala ang away sa mag-asawa, pero hindi resort ang maghiwalay. Kailangan in 24 hours bago matulog pinag-uusapan na, inaayos,” pagbabahagi ni Gerard.

“Ako kasi, hindi naman sa pinagyayabang ko, pero ayoko kasi ng hiwalay na relationship. So ‘pag nag-decide ako, nag-decide ako. Kapag girlfriend ko siya, ayoko ‘yung maglalaro pa,’” dagdag ng aktor.

Natatawang pahayag ni Jan, may sumubok raw noon na agawin si Gerald "pero hindi naman sila nagwagi.”

“Meron din naman mga ganiyan, ‘yung mga nagkaka-crush, alam mo na may nagkaka-crush sa boyfriend mo. Pero I think, hindi kasi talaga siya malaro. Hindi nga ‘yan nagpapasabay ng babae sa sasakyan eh, ‘yung mga makikisabay,” kuwento ni Jan.

Ayon kay Gerard, siya na mismo ang umiiwas sa tukso.

“Wala akong tiwala sa sarili ko kaya I resort to fleeing na lang from temptation. Alam mo namang maraming temptation, so flee lang. Matutukso naman talaga, lalaki ako eh, ‘yun ang kalaban natin eh, so alis na lang tayo,” sabi ni Gerard.

Ayon pa kay Gerard, pinag-aralan niya ang pagpasok sa buhay may-asawa.

“Ang marriage kasi ‘yan ‘yung mga topic na hindi pinag-uusapan kahit sa school so I resorted to learning about it. I read a lot of books tungkol diyan sa marriage. Tapos pinractice ko ‘yon. Simple lang, service… Literal na massage, pinagsisilbihan ko siya. Desire ko ‘yung unahin lahat ng gusto niya over mine,” anang aktor.

Dahil sa mga pahayag ng mister, sinabi Jan na lagi siyang maganda sa tuwing pinupuri ng kaniyang asawa.

“Hindi niyo kakayanin ‘yung ganda ko talaga kapag ito ang nagsasalita. Tisay ako, 24 ang waistline ko, basta siya ‘yung nagsasalita,” natatawang sabi ni Jan sa dabarkads.

Kung kaya naman nananatiling matatag at nagbubunga ang kanilang pagmamahalan sa kanilang kasal.

“Meron kaming nararamdaman na naggo-grow siya, patuloy every year. ‘Yung relationship nga namin hindi siya naging stagnant, kumbaga nag-evolve ‘yung aming romance, ‘yung aming pag-asikaso sa isa’t isa. And now that kids are bigger, ang tatanda na nila, parang ngayon mas may time ulit kami to focus on each other,” sabi ni Jan.

Mensahe ni Jan kay Gerard: “Honey of course thank you for taking care of me, sa pag-aalaga sa amin ng mga bata, at salamat sa loyalty and faithfulness mo. Alam ko na talagang kahit nakapikit ako mapagkakatiwalaan kita na hindi mo talaga ibe-break ‘yung heart ko," anang aktres.

"Tried and tested na ‘yan through the years. At alam ko rin na mahal na mahal mo ‘yung mga anak mo kaya sobrang… ‘Yun na nga ang sinasabi ko sa kanila eh, lalong lalo na sa daughter natin. Na kung hindi lang din gaya ni daddy, huwag na lang,” patuloy niya.

Emosyonal naman si Gerard na nagbigay ng mensahe kay Jan.

“Usually ‘yung magme-message siya sa akin ng ganito, understood sa bahay na mahal niya ako at mahal ko siya. Pero ito ‘yung parati kong sinasabi sa mga bata na kapag tinatanong nila ako ‘Mahal mo ba kami?’ Sinasabi ko ‘Patutunayan ko sa pagmamahal sa asawa ko, kay Jan, sa mama mo. Aalagaan ko ‘yung mama niyo, that’s how I will tell you that I love you guys,” sabi Gerald.

Dahil sa sweet messages nina Jan at Gerald sa isa't isa, napansin na tila nadala rin si Ryan kaya tinanong siya ng mga dabarkads kung bakit.

"Kasi baka yung asawa ko [Judy Ann Santos] mag-expect," natatawang sagot ni Ryan, na matagal nang kaibigan sina Jan at Gerald.-- FRJ, GMA Integrated News