Tatlong mananaya ang masuwerteng nanalo sa magkahiwalay na draw ng Grand Lotto 6/55 at Mega Lotto 6/45 nitong Lunes ng gabi, Pebrero 27, 2023.

Sa Facebook page ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na isang mananaya na bumili ng tiket sa Novaliches, Quezon City ang mapalad na nasolo ang mahigit P75.248 milyon jackpot prize sa Grand Lotto 6/55.

Ang lumabas na mga numero ay 09 08 05 01 30 52.

Samantala, dalawang mananaya naman na bumili ng tiket sa San Pablo City, Laguna ang maghahati sa napanalunan nilang mahigit P11.631 milyon para sa kasabay na draw na Mega Lotto 6/45.

Ang winning numbers ay 25 04 11 35 15 09.

Kamakailan lang, inanunsyo ng PCSO na dalawang mananaya na nanalo rin ng jackpot ang nagtungo sa kanilang tanggapan para kubrahin ang kanilang premyo.

Isa sa kanila ay retired seaman mula sa Negros Occidental na pinili umano ang mga tinayaang numero sa pamamaraan na kagaya ng ginagawa sa Bingo. --FRJ, GMA Integrated News