Idinulog sa "Sumbungan ng Bayan" ng isang netizen ang sitwasyon ng kaniyang na-stroke na tiyahin, na inabandona umano ng mister at iniwan sa 92-anyos nitong ina.

Ayon sa netizen, madalas na nasa barko ang mister kaya nangako na lamang ito na magbibigay ng P5,000 kada buwan para sa pag-aalaga at mga pangangailangan ng kaniyang asawa.

Pero pagkalipas ng isang taon, hindi na raw ito dumadalaw at hindi na rin nagpapadala ng pera.

Kaya naman ang lola pa mismo ang nagpapalit ng diaper sa na-stroke niyang anak.

Mayroon din umanong anak ang na-stroke na misis pero hindi rin nila inaalagaan ang kanilang ina.

ADVERTISEMENT

Paliwanag ni Atty. Loraine Taguiam, may batas sa Pilipinas na tinatawag na legal support, na kasama ang lahat ng pang-araw-araw na pangangailangan ng tao. Kabilang dito ang tirahan, pagkain, damit at pangangailangang medikal.

Ang pamilya ang pangunahing nagbibigay ng naturang suporta: ang mga anak, asawa, magulang at mga kapatid.

Pero ayon din sa batas, may pagkakasunod-sunod umano kung sino ang unang dapat tumutugon upang magbigay ng suporta sa isang tao.

“Sa ating batas, ang unang-unang taong dapat tutugon sa pangangailangan ng isang tao is ‘yung asawa niya,” paliwanag ni Atty. Taguiam.

Kung walang kakayahan ang asawa o walang asawa, ang mga anak o apo niya ang susunod na tutugon. Ngunit kung hindi rin kaya ng mga anak o apo na tugunan ang pangangailangan ng isang tao, doon lamang magkakaroon ng pananagutan ang magulang sa pagsuporta.

Huli na lamang ang mga kapatid ng isang tao sa tutugon sa kaniyang mga pangangailangan.

Kaya sa kaso ng misis na na-stroke, ang kaniyang asawa ang dapat na unang sumagot o magbigay ng tulong sa pasyente.

Sinabi naman ni Atty. Unica Amor Mananquil, na maraming paraan para mapanagot ang mister. Kabilang na rito ang paghahain ng civil case for support sa korte para sa pinansiyal na pangangailangan ng pasyenteng misis.

Ang korte umano ang magpapasya kung magkano ang dapat ibigay ng suporta ng mister batay sa kapasidad niyang kumita, at kung magkano ang halaga ng pangangailangan ng asawang may sakit.

Ang pamangkin ng misis na na-stroke, maaari din umanong magsampa sa korte ng reklamong Violence Against Women and their Children (VAWC) laban sa nang-abandonang mister.

Paliwanag ni Mananquil, hindi lang tungkol sa pisikal na pananakit maaaring gamiting kaso ang VAWC, dahil maaari din itong grounds sa usapin ng emotional at economic abuse.

Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA Integrated News.