Bukod sa cyber libel, ano pa nga ba ang maaaring isampang reklamo laban sa mga taong nanlalait, nagpapatama o nang-iinis sa post sa social media?

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," idinulog ng netizen na si "Clara," ang mga pasaring umano sa social media na natatanggap nila mula sa isang tao na kaalitan nilang magkakaibigan.

Dumating na raw sa puntong naka-tag pa sila sa posts nito na layuning ipahiya sila.

Ayon kay Atty. Kris Gargantiel, kadalasan na unang naiisip na isampang reklamo sa mga taong naninirang-puri sa social media ay ang cyber libel law.

ADVERTISEMENT

Pero bukod sa cybel libel, may iba pa raw na posibleng krimen na nagagawa sa pag-post ng mga panlalait o negatibo patungkol sa tao.

Kabilang umano rito ang unjust vexation o pang-iinis, na nakasaad sa Revised Penal Code. Kung hindi konektado sa social media post ang dahilan ng panlalait, maliit lang ang parusa nito at dapat dumaan muna sa barangay kung nasa isang lugar lang ang nagrereklamo at inirereklamo.

Ngunit kung sasamahan ng cyber libel ang unjust vexation kung ipinost sa internet ang panlalait, magiging mas mabigat na ang parusa nito at puwede nang isampa sa piskalya, kahit hindi na dumaan sa barangay.

Maaari ding umanong magsampa ang nagrereklamo laban sa nanlalait online ng paglabag sa Republic Act 11313, o "An Act Defining Gender-Based Sexual Harassment in Streets, Public Spaces, Online, Workplaces, and Educational or Training Institutions..."

Sa batas na ito, maaari daw na magsampa ng reklamo ang kahit sino--lalaki man o babae. Mabigat din umano ang parusa nito na umaabot ng anim na taon na kulong at daang libong piso ang multa sa mapapatunayang nagkasala.

Sabi pa ni Atty. Gargantiel, na kung napapaso o nag-e-expire ang cybel libel pagkalipas ng 12 taon, ang gender-based sexual harassment act ay wala.

Panoorin sa video ang buong talakayan sa isyu.--FRJ, GMA Integrated News