Nakaranas man noon ng paghihirap, hindi ito naging hadlang para dumiskarte sa buhay ang isang lalaki sa pamamagitan ng pagbebenta niya ng mushroom chips. Kaya naman ang dating reseller, may sarili na ngayong negosyo na mushroom chips na kumikita ng halos P2 milyon kada buwan.

Sa programang “Pera Paraan,” sinabing nagsimula bilang isang reseller ng mushroom chips noong 2019 sa Bustos, Bulacan si Jhon Allan Tagalag.

Naisip niyang magbenta sa kanilang opisina para sa extra income, at nagkataon namang pumatok at naubos agad ang kaniyang mga paninda. Dahil dito, lumikha na rin ng Facebook page si Tagalag at nagbenta sa ibang tao.

Habang nagnenegosyo, hindi huminto si Tagalag sa kaniyang trabaho bilang mechanical engineer para mas makatulong sa pamilya.

Limang buwan na naging reseller si Allan kung saan sa P2,000 na puhunan, kumikita na siya ng P500 hanggang P1,000 kada araw.

ADVERTISEMENT

Mula noong nagsimula sila sa negosyo, naging mataas ang kanilang demand kaya naisip ni Tagalag na magpagawa na ng sariling lutuan o pagawaan ng tsitsaron para sila na ang magkontrol. Noong magpandemya, umabot pa sa 10 beses ang kanilang demand.

Halos P2 milyon ang puhunan ni Tagalag sa pagpapatayo ng sarili niyang factory, na nakuha niya mula sa kaniyang savings at bank loan.

Kaya ang dating reseller na si Tagalag, may mahigit 800 na resellers na ngayon.

Katuwang ni Tagalag sa pagkayod sa kaniyang mushroom chips business ang kaniyang pamilya, lalo na ang kaniyang mga magulang.

Nag-aalok si Tagalag ng iba’t ibang flavor gaya ng salted egg, cheese at spicy, na kaniyang naibebenta ng P68 hanggang P98, depende sa timbang.

Ang dating P15,000 hanggang P30,000 na kaniyang kita, nasa P1 milyon hanggang P2 milyon na kada buwan.

Sa loob lamang ng dalawang taon, nabayaran na rin ni Tagalag ang kaniyang loan.

Sa likod ng tagumpay sa negosyo, dumaan sa pagsubok ang pamilya ni Tagalag nang ma-demolish noon ang kanilang bahay.

“Hanggang ngayon dala-dala ko siya, isa ‘yun sa mga naging inspiration ko para mag-succeed. Sabi ko sa sarili ko kailangan ‘yung nawala sa amin dati, maibalik ko siya. I will do everything para magtagumpay,” sabi ni Tagalag.

“Never skip ‘yung quality. Huwag na huwag magtitipid sa ingredients, and then gawin ‘yung makakaya para mapanatiling fresh ‘yung products. Alagaan ‘yung customers. Huwag mawawalan ng pag-asa. Kumapit lagi sa Diyos,” payo naman ni Tagalag sa mga gustong magnegosyo ng pagkain.

Paano nga ba gumawa ng mushroom chips? Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News